WebClick Tracer

Sunday, September 25, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Sibakan sa Agri namimiligro

Nakaabang ang taong bayan kung may magaganap na sibakan sa mga opisyal ng Department of Agriculture matapos mabuking ang planong importasyon ng dagdag na 300,000 metriko tonelada ng asukal.

Nagsalita na ang Malacanang na walang basbas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inilabas na resolusyon ng mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration kaya iniimbestigahan na ang mga ito at kung mamalasin ay baka masuspinde at mapalitan sa mga susunod na araw.

Hindi kaagad-agad inalis ang mga opisyal dahil naniniwala ang Palasyo sa proseso kaya bibigyan ng pagkakataon ang mga ito na makapagpaliwanag at makumbinsi ang Pangulo sa kanilang naging aksiyon.

SI Pangulong Marcos Jr. ang Chairman ng Sugar Regulatory Board at ayon sa Office of the Press Secretary, walang basbas ang Presidente para mag-angkat ng panibagong 300,000 metric tons ng asukal.

Tila ba ang lakas ng loob ng mga opisyal na pumirma sa resolusyon at isa sa mga ito ang lumagda para sa Pangulo.

Mabuti na lamang mayroong social media dahil mabilis na na-upload ang resolsuyon at nakarating sa pansin ng Malacanang kaya agad na nag-abiso ang Office of the Press Secretary na walang ibinibigay na go signal ang Presidente para umangkat ng panibagong batch ng asukal.

Oo nga’t manipis ang supply ng asukal sa bansa pero hindi nangangahulugan na mag-aangkat ng sunod-sunod para mapunan ang kakapusan sa supply.

Nakapag-import na ng asukal noong buwan ng Mayo at sa darating na buwan ay anihan na ng tubo ng mga lokal na magsasaka kaya binabalanse ng gobyerno kung may pangangailangan ba pang mag-angkat muli.

Ikinukunsidera rin ng ehekutibo kung ano ang magiging epekto sa mga lokal na magsasaka ng tubo kapag nag-angkat muli ng asukal, pati na sa epekto nito sa presyo ng kanilang produkto.

Ang sabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles, lahat ng mga opisyal na pumirma sa resolusyon ay sumasailalim na sa imbestigasyon at kung makitang may basehan sa kanilang naging aksiyon ay sususpendihin ang mga ito .

Kapag aniya mabilis ang imbestigasyon ay aasahang magkakaroon ng mga bagong opisyal sa SRA sa mga susunod na araw.

Hindi man kasing-bagsik ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong Pangulo pagdating sa mga ganitong aksiyon ng mga opisyal sa gobyerno, aasahang mayayanig at mauuga ang mga ito dahil ayaw ni Presidente Marcos Jr. ng mga hokus-pokus sa kanyang administrasyon.

Hindi rin magandang ehemplo para sa mga lingkod bayan na pumirma ng dokumento para sa Presidente ng walang permiso mismo ni Pangulong Marcos Jr.

Ang tanong ng publiko: ito na kaya ang simula ng katapusan ng mga opisyal sa gobyerno na nagpapalusot ng mga importasyon na naging dahilan para malugi ang mga produkto ng mga magsasaka?

Nakabantay ang taongbayan kaya hintayin ang susunod na kabanata!