WebClick Tracer

METRO

Tricycle hinarang sa tindahan, driver 3 beses binistay

Patay ang isang tricycle driver matapos barilin ng may-ari ng tindahan na kanyang naparkingan sa harap sa Calamba Trade Center public market sa Calamba City, Miyerkules ng umaga.

Dead on arrival sa ospital ang biktimang si Odonio Sario Jr, 36, dahil sa tatlong tama ng bala sa likod.

Sa report ng Calamba City police, alas-5:30 ng umaga nang iparada ng biktima ang kanyang tricycle sa harap ng fruit stand ng suspek na si Ronie Evasco.

Ikinagalit ng suspek ang pag-park ng biktima dahil nahaharangan umano ang kanyang tindahan.

Nagtalo ang dalawa at nagbunot ng baril ang suspek.

Nagpaputok muna itong pababa para takutin ang biktima subalit tumalbog ang bala sa semento at tinamaan sa paa ang bystander na si Robert Samalla.

Patakbo na ang biktimang si Sario nang tatlong beses itong barilin ng suspek.

Isinugod ang dalawang biktima sa ospital subalit DOA na si Sario.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril. (Ronilo Dagos)