WebClick Tracer

NEWS

DTI nilabas bagong SRP: Mga school supply tumaas presyo

Pinayagan na ng Department of Trade and Industry (DTI) na magtaas ang presyo ng mga school supply sa suggested retail price (SRP) na inilabas nitong Biyernes, Agosto 12.

Sa bagong SRP para sa mga school supply, P22.50 na ang pinakamurang intermediate pad. Ang pinakamurang intermediate pad noong 2019 ay nagkakahalaga ng P17 nang huling naglabas ng SRP ang DTI.

Ang pinakamurang writing notebook na 80 pahina ay nagkakahalaga ng P17.50. Ang pinakamurang writing notebook noong Mayo 25, 2019 ay nasa P14.30 pa lang.

Nabawasan din ang brand ng mga spiral notebook na sakop ng SRP. Mayroong 18 brand ng spiral notebook na sakop ng SRP noong 2019 at P14.30 ang pinakamura noon. Ngayon, 13 brand na lang ang sakop ng SRP at P17.50 ang pinakamura.

Ang pinakamurang ballpen naman ay tinakdaan ng SRP na P8.25 ang isa. Ang pinakamurang ballpen noong 2019 ay P6 ang isa at dalawang brand pa ito.

Hindi naman nagbago ang SRP ng Mongol na lapis na nasa P8.25 pa rin ang isa.

Samantala, matapos ilabas ang bagong SRP, sinabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual na plano nilang repasuhin ito para mabawasan ang listahan.

Nais umano ni Pascual na magpokus na lamang ang SRP list sa mga produkto na kadalasang binibili ng mga tao.

“For example, ‘yong mga water in big containers, hindi naman ‘yon binibili ng mga mass base na population. Binibili nila, mga 300 (milliliters)… ‘Yon ang binabantayan namin ang increase. Pero ‘yong mga five gallons, bihira bumibili noon. Kaya I was thinking na baka ‘yon, puwede naming i-exclude,” sabi ni Pascual.

Epektibo ang bagong SRP nitong Biyernes, Agosto 15. Huling nag-update ang DTI ng SRP noon pang Enero 27.

Ayon kay Pascual, may ilang produkto na tumaas ang presyo dahil ilang taon na rin na walang pagtaas ang mga ito.

“The price increase is requested upon us then we evaluate. We do our own calculation of the cost of the raw materials and determine what should be the movement,” paliwanag pa ng kalihim. (Eileen Mencias)