WebClick Tracer

NEWS

OFW pinadampot rapist na mister

Kalaboso ngayon ang isang ama matapos ipadampot at ipakulong ng kanyang misis, na isang overseas Filipino worker (OFW) dahil sa paulit-ulit na panggagahasa sa dalagitang anak na babae sa Santiago City, Isabela, ayon sa pulisya.

Nabatid kay Santiago City Police Station-Women and Children Protection Desk (SCPS-WCPD) officer P/Staff Sgt. Hazel Krislie Ignacio na paulit-ulit umanong ginahasa ng ama ang kanyang anak habang nasa ibang bansa ang kanyang misis bilang OFW.

Sa ulat, sinabi ni Ignacio, nangibang bansa ang ina ng 13-anyos na biktima na naiwan sa pangangalaga ng kanilang ama kasama ang 8-anyos na kapatid.

Sa sinumpaang salaysay ng biktima, hindi agad ito nagsumbong dahil palagi siyang binabantayan ng suspek (ama) lalo na kung tumatawag ang ina.

Nang makapagsumbong ang biktima sa tiyahin ay ipinarating nito sa ina ang sinapit ng pamangkin.

Agad na umuwi ang OFW at personal na nagsampa ng kasong rape laban sa kanyang mister.

Kasong qualified rape at paglabag sa anti-child abuse Law ang isinampa laban sa asawa. (Allan Bergonia)