WebClick Tracer

OPINION

Cable car sa NCR

Hindi man sinasadya, mukhang nasapawan ang talumpati ni Sen. JV Ejercito last week tungkol sa railway system sa bansa na dapat daw palakasin upang masolusyunan ang problema ng trapiko sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.

“Ang pagsasaayos ng ating mass transport system ang magbibigay kalutasan sa matagal na nating suliranin sa trapik. Mababawasan ang mga pribadong sasakyan sa ating mga lansangan, bibilis hindi lamang ang daloy ng trapiko kung hindi maging pag-usad ng ating ekonomiya,” wika ng utol ni Sen. Jinggoy Estrada.

“Let us adopt a policy of moving more people instead of moving more cars,” dugtong pa ng senador.

Dito umentra si Sen. Robin Padilla nang kanyang ipanukala ang ropeway o aerial cable cars bilang tugon sa problema ng trapik sa Metro Manila at ibang urban areas sa Pilipinas.

Ayon kay Padilla, nauuso ang paggamit ng ropeway sa ibang bahagi ng mundo at posible raw itong magamit sa Pilipinas, lalo na sa Metro Manila.

“Meron pong isang nauuso ngayon na kung tawagin po nila ay ropeway. Ito po ang paggamit ng cable. Nais ko din po sana na maimungkahi po sa inyo na ito ay bagay din sa Pilipinas lalong lalo na sa Metro Manila dahil sa trapik,” ani Padilla sa kanyang manifestation.

Siyempre, mas naging laman ng balita si Padilla kesa sa mismong nagtalumpati na si Ejercito. Kaya naman si Padilla rin ang pinutakti ng batikos sa mungkahi nitong cable car sa National Capital Region (NCR).

Todo depensa tuloy ang senador, kasama ang kanyang abogado na dating sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa government post.

Sabi nila, hindi raw pinulot sa ere ang ideyang cable car sa NCR dahil dati na itong itinutulak ng administrasyong Duterte pero naabutan lamang ng pagpapalit ng bagong administrasyon.

Ngayon, nagsalita na rin mismo ang architect at urban planner na si Felino “Jun” Palafox Jr. na hindi lubusang makakabawas sa problema ng trapiko ang paglalagay ng cable car sa Metro Manila. Sang-ayon tayo sa obserbasyon ng pamosong urban planner.

Wala tayong access sa mga isinagawang pag-aaral sa paglalagay ng cable car sa Metro Manila pero dati na itong isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) at isinumite na sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Sa pakiwari ko lang, gusto itong maging trophy ng nakaraang administrasyon para masabing bahagi ng legacy ng Duterte administration. Pero kung makakaresolba ng trapik, malaking question mark pa rin ito.

Sa Hong Kong, pang turista lang ang cable car sa Lantau Island at sa Ocean Park. Marami rin tayong napapanood na cable car na nakakabit sa mga bulubunduking bahagi ng mundo.

Maaari ngang makatulong sa transportasyon ang cable car sa Metro Manila pero dapat pa rin itong masusing pag-aralan upang hindi masayang ang pondo ng gobyerno na nanggagaling din naman sa bulsa ng mga taxpayer.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID