WebClick Tracer

NEWS

COA sandamakmak nasilip: PS-DBM bulilyaso sa P356M laptop deal

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) sa ginastos nitong P356 milyon sa pagbili ng mga laptop na Acer TravelMate P414 para sa 7,913 government executive mula sa Columbia Technologies Inc.

Hindi nakapaglabas ng audit report ang COA sa PS-DBM para sa taong 2021 dahil hindi nito isinumite ang financial statement noong katapusan ng nakaraang taon. Kapag nangyayari ito, management letter ang inilalabas ng COA sa ahensiya ng pamahalaan.

Nanghingi ng quote ang PS-DBM sa ilang supplier at lima ang nagsumite ng presyo, base sa specifications na ibinigay ng DBM. Tsugi kaagad ang Columbia dahil 1.45 kilo ang bigat ng laptop nito at lagpas sa specifications.

Hindi rin pasok ang Computer Village.com Inc. dahil hindi rin ayon sa specs ng DBM ang isinumite nito. Compliant naman ang Jack of Club Solutions Inc. ngunit dinedma ito dahil hindi nilinaw kung anong model ng laptop ang inaalok nito.

Sa isinumiteng quote ng Columbia noong Marso 3, 2021, may kalakip na note na nagsasabing “Please Reconsider” sa isyu ng kulay at timbang.

Sa pre-procurement conference noong Marso 29, 2021, nakusap ang taga-Accel Prime kung puwedeng itaas sa 1.6 kilo ang timbang ng computer at tinanong din ng Columbia kung maaaring palitan ang mga kulay. Sabi ng COA, walang sinabi ang Columbia tungkol sa pagpapalit ng timbang.

Binuksan ng PS-DBM-PS ang mga bidding noong Hunyo 28, 2021 at pinakamababa ang alok ng Columbia sa halagang P45,000 ang isa o P356.08 milyon sa kabuuan.

Ang bid ng Advance Solutions Inc. ay P67,898 ang isa o P537.28 milyon. Ang bid naman ng joint venture ng Hope Builders & Development Corporation at Contactpoint Inc. ay P69,500 ang isa o P549.95 milyon.

Nagsagawa ng pagsusuri ang technical working group (TWG) ng PS-DBM sa proposal at pasok diumano sa specifications ang unit na isinumite nito, magmula sa timbang, processor, kulay, warranty, at iba pa.

Noong Agosto 6, 2021, dineklara ng Bids and Awards Committee (BAC) ng PS-DBM na pasado ang Columbia at inirekomendang i-award na sa kompanya ang kontrata.

Bago lumabas ang rekomendasyon ng TWG, naglabas na ng framework agreement ang PS-DBM noong Hulyo 27 na naglalatag ng terms and conditions at delivery instructions. Inilabas ang notice to execute framework agreement noong Agosto 6, 2021 na tinanggap naman ng Columbia noong Agosto 10, 2021.

Sabi ng COA, ang alok ng PS-DBM ay para sa Acer Travelmate P414-51 ngunit hindi nito tinukoy kung alin sa dalawang model nito. May Acer Travelmate P414-51 at may Acer Travelmate P414-51G kasi at wala namang malaking pagkakaiba ang dalawa maliban sa graphics cards na nakalagay. Sabi ng COA, hindi man lang nagtanong ang BAC ng DBM-PS sa isyung ito.

Ayon pa sa COA, sa isinumiteng brochure ng Columbia, 1.4 kilo lamang ang bigat ng laptop nito ngunit may footnote na nagsasabing maaaring mag-iba depende sa parts na nakalagay sa loob. Sa website ng Acer, 1.41 kilo ang bigat ng naturang laptop.

Tinimbang ng audit team ng COA ang laptop at natuklasan na 1.434 kilo ito at lampas sa specifications mismo ng PS-DBM.

Sabi ng COA, malinaw ang patakaran ng BAC at TWG pagdating sa kung paano nila susuriin kung tugma ang statement ng bidder sa specifications at hindi sapat na tignan lamang nila ang brochure lalo na kung hindi ito tugma sa produktong natanggap.

Palusot ng BAC, wala namang patakaran tungkol sa pag-test kung angkop ang laptop kaya sinunod na lamang nila ang brochure kahit hindi ito tugma sa natanggap na unit.

Giit ng COA, may pananagutan ang BAC sa pagtanggap ng unit na hindi angkop sa specs nila.

“An award of contract that does not conform with the TS (Technical Specifications) destroys the distinctive character of a public procurement that is anchored on transparency, competitiveness, and accountability,” sabi ng COA. (Eileen Mencias)