WebClick Tracer

Sunday, September 25, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

Dalagitang biker bumulaga bangkay sa Bulacan

Pinaniniwalaang pinatay sa ibang lugar saka itinapon ang bangkay ng isang 15-anyos na dalagita na ilang araw nang iniulat na nawawala bago natagpuang wala nang buhay sa madamong lugar sakop ng Plaridel Bypass Road sa Bustos, Bulacan noong Biyernes.

Base sa inisyal na ulat ng pulisya, kilala na ang 15-anyos na biktima na pansamantalang hindi pinangalanan at nakatira sa San Jose del Monte City.

Natagpuan itong wala nang buhay sa bayan ng Bustos ngunit walang saksak o tama ng bala sa katawan.

Nabatid na nagpaalam ang dalagita sa kanyang mga magulang noong Miyerkoles na makikipagkita lang sa ilang kaibigan ngunit hindi na nakauwi kaya kaagad na ini-report na nawawala.

Biyernes ng umaga, Agosto 12, natagpuan ang bangkay ng dalagita sa madamong lugar sa Plaridel Bypass Road. Kaagad itong itinawag sa pulisya ng mga motoristang dumadaan sa nasabing lugar.

Nakilala lang nitong Linggo ang dalagita na biker at nakatira sa San Jose del Monte City. Sikat na biker sa Bulacan ang dalagita. Noong nagpaalam ito sa kanyang mga magulang ay hindi dinala ang kanyang biseklita.

Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng awtopsiya sa biktima upang malaman ang ikinamatay nito.

Isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng Bustos Police Station kaugnay sa sinapit ng dalagita. (Jun Borlongan)