WebClick Tracer

OPINION

Lahat gumagaling kay San Roque

Ipinagdiriwang tuwing Agosta 16 ang Pista ni San Roque, ang Patron ng mga maysakit at mabisang tagapamagitan sa panahon ng peste. Hindi siya pari pero kahanga-hanga ang ipinakitang malasakit niya sa mga dukha ay maysakit.

Si San Roque ay anak ng gobernador ng Montpellier sa Pransiya. Sa Kanyang pagkaulila’y nagtungo siya sa Roma matapos maipamahagi ang kayamanan sa mga maralita. Nabuhay siya sa panahon ng Black Death sa Europa noong Siglo XIV.

Sa Piacenza, Italy nahawa ang santo sa sakit na lumaganap sanhi ng peste. Nagtungo siya sa gubat unang huwag nang madala sa pagamutan, subalit diyo’y inalagaan siya ng isang aso. Natagpuan ng may-ari ng aso si Roque at siya’y tinulungan nito.

Nang gumaling, lumibot si San Roque upang tumulong sa mga may karamdaman. Ayon sa ulat, marami ang umigi sa pamamagitan ng pagguhit nito ng krus sa noo ng maysakit. Nasawi sa nasabing peste ang humigit kumulang 20 milyon.

Pagkalipas ng apat na taon, nagbalik si San Roque sa Montpellier na noon ay pinadarausan ng giyera. Napagbintangan siyang espiya at nabilanggo sa loob ng limang taon haggang sa datnan siya ng kamatayan sa edad na 32 noong Agosto 16, 1337.

Matatagpuan ang mga labi ni San Roque sa dambanang ipinagalan sa kanya sa Venice, Italy. Sa kasaysayan, napakarami nang gumaling sa pamimintuho sa kanya. Sa nakalipas na panahon, subok na ang bisa ng Kanyang pamamagitan.

Kay San Roque, lahat ay gumagaling!