WebClick Tracer

METRO

Lola nalunod sa creek

Hinihinalang nalunod ang isang 73-anyos na Lola nang maligo sa isang creek sa Silang, Cavite Sabado ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Luz Santos Espano, nakatira sa Barangay Tartaria sa nabanggit na bayan.

Sa ulat ni Corporal Menervin Castillo ng Silang Police Station, dakong alas-3:40 kamakalawa ng hapon habang namimitas ng mga gulay si Arwin Maximo Ambrosio nang mapansin ang bangkay ng matanda sa tabi ng isang malaking bato sa creek na matatagpuan sa Barangay Puting Kahoy.

Agad niyang ipinagbigay alam ang nakitang bangkay sa naka-duty na security guard sa South Forbes na siyang nag-report sa pulisya.

Ayon kay Castillo, nag-uulyanin na umano ang matanda at nagtungo sa creek upang maligo.

“Umuulan din nang mga oras na `yon at malakas ang agos ng tubig kaya hinihinalang natangay ito,” ayon pa kay Castillo.

Wala naman nakitang bakas ng anumang sugat sa katawan ang matanda. (Gene Adsuara)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID