WebClick Tracer

NEWS

Pimentel binoldyak same-sex union ni Robin

Naniniwala si Senate Minority Leader Aquilino `Koko’ Pimentel III na hindi pa handa ang mga Pilipino para sa same-sex couple civil union.

Ginawa ni Pimentel ang pahayag matapos ihain ni Senador Robin Padilla ang Senate Bill 449 o panukalang Civil Unions Act na naglalayong kilalanin ang civil union para sa mga same-sex couple.

Katuwiran ni Pimentel, ang pag-aaasawa ay para lang sa babae at lalaki na makapagbuo ng isang pamilya.

“Ang moralidad o norms ng lipunan nagbabago `yan overtime. So, tingnan natin kung handa na ba ang Pilipinas dito. Ang aking pagbasa sa ating mga kababayan, number one, hindi pa tayo handa,” sabi ni Pimentel sa panayam sa DZBB.

“Number two, masisira ang ating understanding ng marriage kasi marriage po talaga ito. Bibigyan pa ng lisensya yata `yong mag o-officiate ng civil registrar,” dagdag ng senador.

Bagama’t puwede na aniyang simulan ang diskusyon sa same-sex marriage, hiniling ni Pimentel sa mga kapwa mambabatas na piliin ang mga panukalang maaaring pagdebatehan sa gitna ng nararanasang krisis sa ekonomiya at pagkain gayundin agng isyu ng katiwalian.

Sabi pa ni Pimentel, sa ilalim ng Civil Code of the Philippines, maari namang maprotektahan ng same-sex couples ang kanilang relasyon sa pamamagitan ng “partnership”. (Dindo Matining)