WebClick Tracer

Sunday, September 25, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
SPORTS

Brodeth hinablot 2 korona

Salto sa huling misyon, tagumpay si Kimi Brodeth sa pagkakataong ito na makahablot ng dalawang korona, tampok ang pagsilat kay Tiffany Nocos sa girls’ premier division ng PPS-PEPP Mandaue City National Age-Group Tennis Championships sa Cebu nitong Lunes.

Nagbabadyang maolats na naman ang tenista ng Ormoc City kay Nocos, pero umeskapo sa second set at binayo ang Lapu-Lapu City bet sa decider para makaresbak at sungkitin ang kampeonato ng 18-and-under, 3-6, 7-6 (4), 10-6, sa New Mandaue Tennis Club’s clay courts.

Unang niyang hinakbaangan si Jana Diaz, 6-3, 6-0, sa 16-U finals upang maging solo double winner sa Group 2 tournament na nagsisilbing pangalawa sa may apat na yugtong Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala junior circuit swing sa Cebu.

Kinopo rin ni Brodeth, 16, ang kanyang kategorya sa Lapu-Lapu City noong isang linggo, pero binulilyaso ni Nocos sa 18-U finals 6-1, 6-3. Mas marami siyang baon sa rematch, napahulagpos lang ang dalawang game pa- finals, samantalang gumapang si Nocos saka pinagpag si Judy Ann Padilla, 4-5 (0), 4-1, 10-7, sa semis.

Asinta ni Brodeth ang kambal uling kampeonato sa PPS-PEPP City of Naga leg umpisa ngayong Miyerkoles sa Consolacion, Laray habang paapalo ang last leg sa Agosto 25-31. Sa mga detalye pa, kontakin si event organizer Bobby Mangunay sa 0915 404 6464.

Tinibag ni top seed McLeen Gomera, sa kabilang banda, si Ivan Manila, 4-1, 4-0, para iuwi ang boys’ 16-U trophy, pero kinapos sa 18-U finals, 4-6, 4-6 kontra top seed John David Velez ng Ormoc din.

Pero sinamahan pa rin nang sumisikat na manlalaro ng Bacolod, Lanao del Norte si Brodeth sa podium para pagsaluhan nila ang Most Valuable Player ng isang linggong torneong hinatid ng Dunlop mula kay Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro.

Gayunman, prinodyus ni unranked Juvels Velos ang nakayayanig na panalo kontra kay No. 4 Lexious Cruz ng Cabanatuan, Nueva Ecija sa Final Four, 3-5, 4-1, 10-4, at sinunod si top seed Josh Lim ng Maranding, Lanao del Norte, 6-7 (6), 6-2, 10-4, sap ag-abot sa titulo ng boys’ 14-U.

Nakipaghati si Cruz sa 12-U titles kay second seed Maristella Torrecampo ng Los, Baños. Dinaig ng una si Pete Bandala ng Dipolog City, 1-6, 6-2, 10-6, at pinalupasay ng huli si Molly Tan ng Maasin City, 6-2, 6-3.

Bumawi naman si Diaz ng Imus City, sa talo kay Brodeth sa pamamayagpag sa 14-U category sa 6-3, 6-2 tagpas kay Samantha Ortega ng Tuburan, Cebu. (Ramil Cruz)