WebClick Tracer

METRO

Ginang pinutukan, gunman timbuwang

Patay ang isang hinihinalang gunman na nagtangkang patayin ang isang ginang nang makipagbarilan sa mga awtoridad sa Quezon City, Martes ng madaling araw.

Nakilala lamang ang suspek sa alyas “Jojo Muslim.”

Ang biktima naman ay si Maricar Umayam Escalera, 32, housewife, ng Bayanihan St., Brgy. Culiat, QC.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District alas-3:40 ng madaling araw nang maganap ang engkwentro sa Area 3, 7th St., Brgy. Pasong Tamo.

Sa inisyal na imbestigasyon nina PCpl Prince Joy Rivera at PCpl Juderick M Latao, naglalakad umano si Escalera pauwi nang sumulpot ang suspek at nagpaputok ng baril sa direksyon ng biktima.

Masuwerte namang hindi ito tinamaan ng bala na kumaripas ng takbo saka nagsumbong sa QCPD Holy Spirit Police Station 14.
Sa follow-up operation ng awtoridad, natunton ang suspek sa nasabing lugar.

Pero habang papalapit umano ang mga operatiba sa pinagtataguan ni Jojo Muslim ay bigla itong nagpaputok dahilan upang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa agarang kamatayan ng suspek.

Nasamsam sa crime scene sa pamumuno ni PMaj. Jung Fortunato ang dalawang ‘di pa batid na kalibre ng baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen. (Dolly B. Cabreza)