WebClick Tracer

NEWS

Aso, tao delikado sa monkeypox hawaan

Hindi pa kumpirmado subalit maaari umanong magkaroon ng hawaan ng monkeypox sa pagitan ng tao at mga alagang hayop na tulad ng aso.

Kasunod ito ng mga ulat na dalawang lalaki na magkasamang naninirahan sa Paris ang tinamaan ng monkeypox noong Hunyo.

Makalipas ang 12 araw matapos lumabas ang sintomas ng monkeypox ay sumunod na nagpakita ng sintomas ang kanilang alagang aso na isang Italian greyhound.

Ayon sa mga amo ng aso, maingat naman sila sa kanilang alaga na makahawa sa ibang tao o alagang hayop.

Pinag-uusapan ngayon kung dapat nang i-isolate ang mga alagang hayop sa kanilang amo oras na magpakita ng mga sintomas ng naturang virus.

Hindi naman ikinagulat ng World Health Organization (WHO) ang balitang ito hinggil sa sinasabing pagkahawa ng tao sa kanyang alagang aso.

Pero binabantayan na rin umano ng WHO ang mga ganitong insidente ng hawaan ng monkeypox sa alagang hayop.

Samantala, maging ang US Center for Disease Control and Prevention ay naglabas ng abiso na maaaring ma-infect ng monkeypox ang mga hayop subalit inaalam pa nila kung anong mga uri ng hayop ang maaaring dapuan ng virus na ito.

“Infected animals can spread Monkeypox virus to people, and it is possible that people who are infected can spread Monkeypox virus to animals through close contact, including petting, cuddling, hugging, kissing, licking, sharing sleeping areas, and sharing food,” babala pa ng US CDC. (Ansherina Jazul)