WebClick Tracer

METRO

Colonel, kasabwat kinasuhan sa hit-and-run `cover up’

Kinasuhan na ng pamilya ng tricycle driver na biktima ng hit-and-run ang dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) na si P/Lt. Col. Julio Abong.

“Nagfile kami ng kaso sa PLEB dahil sa tingin namin, dito na lang namin makakamit ang hustisya. Nag-usap usap ang mga pulis para pagtakpan ang insidenteng ito,” ayon kay Arlene Laroa Buenvenida.

Si Abong ay kinasuhan ng mga kapatid ng biktima na sina Arlene, Annale Laroa Alba at Armida Laroa Carbonel, ng Grave Misconduct, Grave Neglect of Duty and Conduct Unbecoming of a Police Officer before the People’s Law Enforcement Board-QC (PLEB-QC).

Bukod kay Abong, hiniling nila na sibakin sa police service ang iba pang police officer ng QCPD na kasabwat sa umanoy “cover-up” sa insidente.

Iginiit ng mga kapatid ng biktima, na si Abong ang nagmamaneho ng itim na Ford Ranger pick-up [NCG 8456] nang mabundol ang kapatid nilang tricycle driver, na sa halip na saklolohan ay tinakasan.

Kinasuhan din ang Station 3 Commander, na si P/Col. Alexander Barredo at P/Cpl. Joan Vicente.

Batay umano sa Cellphone video footage, sina Barredo at Vicente kasama ang iba pang mga pulis ay nakatayo sa tabi ng Ford Ranger pick-up ni Abong, subalit walang nangyaring pag-aresto.
Nalaman din na ineskortan pa umano nina Barredo, Vicente, at iba pang pulis sa Stations 3 at 9 ang sasakyan ni Abong habang pabalik sa Camp Karingal matapos ang insidente.

Tumulong pa anila ang ilang pulis para pagtakpan ang colonel at nagharap ng “fall guy.”

“Kung sana hindi pinabayaan ni Abong na mamatay ang aming kapatid, mapapatawad pa sana namin sya,” himutok ni Arlene. (Dolly Cabreza)