WebClick Tracer

LIFESTYLE

Kondisyon ng bato o kidney

Madalas hindi natin pinakikinggan ang ating katawan. Uminda man ay binabalewala natin, hanggang sa lumala ang kundisyon at magkaroon ng kumplikasyon. Ang mahirap ay hindi lang isa, kundi iba’t iba na mahihirapan tayong makabalik sa dating kinagawian. Isa nang problema na ganito ang sitwasyon ay ang ating mga bato o kidneys. Ito ang tinanong naman sa atin ngayong linggong ito. Wala naman talagang nararamdaman ang ating mambabasa, ngunit, sa huling pisikal na eksaminasyon, lumabas sa resulta ng dugo na hirap ang kidneys, at nasabihan ng kaniyang doktor na kung hindi maibabalik sa normal ay may posibilidad mag dialysis na.

“Talaga bang panghabang buhay ang pagdialysis? Tumataas din ang asukal sa dugo at pati ang presyon ng dugo ay tumataas, may kinalaman din ba ito sa nangyayari sa akin?” Dagdag pa niya.

Ang ating kidneys ang syang nagtatanggal ng mga toxins sa ating katawan. Mahalaga ang trabaho nito at kung hindi maayos ay maiipon ang mga toxins at magbibigay ng kumplikasyon. Nalalaman ang kundisyon ng ating mga kidneys sa pamamagitan ng eksaminasyon sa dugo, ang Creatinine at Blood Urea Nitrogen. Sa oras na ito ay tumaas lagpas sa normal na lebel, nakukompromiso ang mga ito. Kadalasan ay wala talagang nararamdaman. Ngunit kung sakali, may mga iba pang mararamdaman, pwedeng malala na. Kabilang ang mga sumusunod: mahinang kumain at bumabagsak ang timbang, pamamanas, lalo na ng paa at binti, hirap huminga, maikli ang paghinga, mabilis mapagod at hapuin, hirap matulog, at kumakati ang balat. Sa pag ihi, madalas maihi lalo na sa gabi at kung minsan ay may dugo sa ihi. May iba pang mga eksaminasyon na maaaring ipagawa sa ihi, ultrasound, ct scan at mri. Hindi din naman agad agad ay magdialysis, ngunit kung ito ay maumpisahan, maaaring panghabang buhay na, maliban na lang kung makakapag pa renal transplant. Ang sakit na Diabetes at hypertension o pagtaas ng ating blood pressure ay nagbibigay ng sanhi ng pagsira ng kidneys, lalo na sa nagkakaedad. Kung hindi makontrol ang mga ito, nahihirapan at nabubugbog ang mga kidneys. Kapag naging Chronic Kidney Disease ay wala nang gamot para mawala ito. Ang magagawa lamang ay mabawasan ang pananakit at mabawasan ang pagkumplikasyon.

Mahirap sa ibang karamdaman ay wala talagang sintomas, kaya mahalaga ang mag pa annual check-up ng malaman kung may sakit, mahuli it ng maaga, at higit sa lahat, mabawasan ang kumplikasyon at mas mabilis gumaling.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Get vaccinated! Get Boostered!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 at IZTV 23, tuwing linggo 11am-12nn at Kapitbahay sa DZEC1062 tuwing sabado 715am) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.