WebClick Tracer

NEWS

Palasyo atras sa asukal scam probe

Ipinaubaya na ng Malacanang sa Kongreso ang pagbusisi sa nabistong tangkang pag-angkat sana ng 300,000 metriko tonelada ng asukal.

Sa harap ito ng nararanasang mataas na presyo ng asukal sa mga pamilihan at manipis umanong suplay.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bahala na ang Kamara at Senado na mag-imbestiga sa isyu ng asukal para mabatid kung mayroon ba talagang kakapusan ng suplay nito.

Sa pagkakaalam aniya ng pangulo ay saglit lamang na kinapos sa suplay ng asukal na hinahalo sa soft drinks at hindi ito ang asukal na ginagamit sa mga bahay.

“Actually, ipinaubaya namin ang imbestigasyon sa House, sa legislature and even the Senate. Dahil ang iniintindi ko lang talaga is that hindi tayo tumagal na mayroon tayong shortage ng sugar, lalong-lalo na para sa mga industrial consumer. `Yong mga gumagawa ng soda, ng mga drinks, pati na `yong sa pagkain, all of the outlets na ganoon. Ayaw natin maipit `yong,” sabi ng pangulo.

Dahil manipis umano ang suplay ng asukal para sa industrial use, nagsisimula nang bawasan ng mga bottling company ang araw ng trabaho ng kanilang mga mangaggawa.

Sinabi ni Pangulong Marcos na nag-aalala siya sa mga maaapektuhan sa trabaho kung magpapatuloy ang pagbabawas ng pasok dahil sa isyu ng manipis na suplay ng asukal para sa industrial use.

“Because right now, they are starting to cut down the days of the week na nagtatrabaho and we are very worried of course about jobs. So ‘yun ang iniintindi ko talaga right now,” wika ng pangulo. (Aileen Taliping)