Sa panayam ng talent manager turned YouTuber na si Ogie Diaz, nagbalik-tanaw si Jane de Leon sa kanyang mga hirap na pinagdaanan sa pangarap na sumikat at magkapangalan bilang artista.
Aniya, dati rati raw kasi ay may negosyo sila subalit naloko raw ng kasosyong kaibigan ang kanyang tatay na labis na dinamdam nito.
Dahil daw sa trauma, nagkaroon daw ng trust issues ang kanyang tatay to the point na nawalan na rin ito ng ganang magtrabaho at naging househusband na lang.
Hindi raw naman sapat ang kinikita ng kanyang ina para matustusan ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Naghirap daw sila at literally, may mga pagkakataon daw na ang inuulam na lang nila ay asin o minsan ay toyo na may mantika.
Doon na raw niya naisip na maghanap ng trabaho para tulungan ang kanyang pamilya.
Nag-audition daw siya noon sa iba’t-ibang shows at maging commercials para magkaroon ng break sa showbusiness.
May mga pagkakataon daw na ipinangungutang pa nila ng kanyang ina ang kanilang pamasahe para raw lang lumuwas ng Maynila at subukan ang kanyang kapalaran.
Nagkaroon daw siya ng break noon nang maging miyembro ng Girltrends sa “It’s Showtime”.
May ‘times’ daw na para makatipid sa pamasahe ay sa dressing room daw ng studio siya natutulog at minsan daw ay nagbababad siya sa 24-hour convenience store para on call at available na siya sa kanyang performance sa nasabing show.
Sa kanyang pag-aartista, ilang beses na rin daw siyang nakaramdam na mamenos ng kapuwa artista .Pero naisip daw niyang bahagi iyon ng mundo ng isang baguhan sa larangang kanyang pinasok.
Aminado rin siyang “make or break” para sa kanya ang kanyang biggest role bilang Darna.
Kaya raw naman, pinagbubutihan niya ang lahat para maging karapat-dapat siya sa pagtitiwalang ibinigay sa kanya . Ayaw niyang mabigo sa mga taong sumugal sa kanya tulad ng kanyang manager at mga ehekutibo ng Kapamilya network na pinagkatiwalaan siya.
Sa naturang panayam, ibinida rin niya na kinunsulta niya si Liza Soberano tungkol sa iconic roles na kapuwa in-offer sa kanila. (Si Liza ay hindi natuloy sa pagiging Darna dahil sa finger injury nito noon, dahilan para mag-back out siya.)
Binigyan din daw siya nito ng advice tungkol sa kanyang pagganap sa papel ng Pinoy superheroine ni Mars Ravelo.
Inamin din niya na during the shoot at training niya ay dumanas din siya ng katakot-takot na hirap pagdating sa stunts. Ilang beses daw siyang naaksidente, naospital at kinailangang bigyan ng anti-tetanus shot.
Isko ‘di boto sa nabuntis ni JD
How true ang kumakalat na tsikang hindi raw umano boto si Isko Moreno sa babaeng nabuntis ng kanyang anak na si Joaquin Domagoso?
Nakabuntis kasi ang bente anyos na actor kay Rafa Castro na anak ng actor-turned broadcaster na si Diego Castro III.
Medyo dismayado raw kasi si Yorme dahil sa murang edad ay naging lolo na agad siya sa kanyang panganay na hindi pa napaghahandaan ang kanyang kinabukasan . Hindi pa raw nakapagtatapos ito ng kolehiyo.
Bukod dito, nagsisimula pa lang itong nagkakaroon ng pangalan.
Kumbaga, wala raw namang stable na trabaho si Joaquin para isuporta sa kanyang mag-ina.
Sa isa namang kaugnay na panayam kay Diego ni Ogie Diaz sa vlog nito, inamin naman ng One Balita Pilipinas news anchor na hindi pa sila nag-uusap ni Isko tungkol sa plano nila sa kanilang mga anak.
Paliwanag niya, masyado raw naging abala si Yorme sa kanyang pangangampanya noong nakaraang eleksyon . Nang manganak si Rafa noong Abril, ay hindi sila nagkaroon ng panahong magkausap nang pribado ng natalong presidential candidate.
Sa kaso naman niya, hindi na rin daw niya ito maasikaso dahil busy siya sa kanyang trabaho bilang newscaster sa cable news channel ng Cignal TV.
Sey pa niya, ayaw din daw naman niyang i-pressure si Joaquin o JD na pakasalan ang kanyang anak kahit may apo na siya sa dalawa.
Naniniwala kasi siyang hindi dapat minamadali ang ganoon kaselang bagay. Dapat daw ay pinaghahandaan ang pagpasok sa pag-aasawa.
Hirit pa niya, in due time ay magkakaroon din daw sila ng panahong magkausap ni Isko. Ito ay para maayos ang estado ng kanilang mga anak.