WebClick Tracer

NEWS

Negosyante nilimas sa `Marcos gold’ scam

ISKUP

Ni Nancy Carvajal

Nagpasaklolo ang isang negosyante sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos ma-scam ng sindikato na nangako umano sa kanya ng P700 million gold shares mula sa Marcos gold.

Tinukoy ng 49-anyos na si Lito (hindi niya tunay na pangalan) ang dalawang lalaki na nasa edad 80 na siyang utak diumano ng scam.

Sa kanyang sinumpaang reklamo sa NBI, inilahad ni Lito na nagbayad siya ng kabuuang P5.5 milyon noong 2021 kapalit ng kanyang shares sa “trillion worth of gold bullions” ng dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. na nakatago sa vault ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

“I believed them when they told me that one of them was a trustee of the late president because they were old, and I think would no longer dupe people. They claimed that the Marcos gold bars are under the safekeeping of the BSP,” sabi ng biktima sa eksklusibong panayam ng online news Bilyonaryo.

Nakabase ang biktima sa Mindanao at maraming negosyo ang kanilang pamilya kung kaya’t mabilis siyang nakapaglabas ng pera.

Pinakitaan din umano siya ng mga dokumento at litrato ng mga gold bar na nasa BSP vault.

“I even met with the individuals who claimed they were from BSP and the gold bars will be released in two weeks after paying P5 million the BSP KSR, charge for the safekeeping of the bullions of gold,” ayon pa sa kanya.

Napaniwala umano siya ng mga suspek dahil sa galing magsalita ng mga ito.

“Ang galing nila magsalita at madami silang kuwento, plus the documents they showed me, looks legit,” ani Lito.

Ibinigay umano niya ang P5 million cash sa mga suspek habang nasa isang sikat na restaurant sila malapit sa BSP headquarters sa Pasay City.

Bandang huli na lang umano niya napagtanto na isang scam lang ang gold bar scheme nang magsimula na siyang magtanong tungkol sa kanyang share at hindi na niya mahagilap ang mga suspek.

“I had to seek the help of the NBI to locate them, so they will not be able to continue their scam,” sabi ng biktima.

Kinumpirma naman ng NBI agent na humahawak sa imbestigasyon ang nasabing reklamo subalit tumanggi itong magbigay ng karagdagan pang detalye sa kaso.

Subalit sinabi ng NBI agent na bagama’t mukhang peke ang mga dokumentong isinumite ng biktima sa isinampa nitong reklamo ay kanila pa rin itong iniimbestigahan na ngayon.

“We have names of the persons of interest and it showed that they are members of a syndicate,” sabi ng agent.

Matatandaang una nang tinawag ng kampo ng noo’y presidential candidate Ferdinand `Bongbong’ Marcos Jr. na “a scam pure and simple” ang isang naganap na pagtitipon kung saan ay makakatanggap diuman ng kanilang share mula sa Marcos gold ang mga dumalo.

Makailang ulit na rin nagbabala ang pangulo sa publiko laban sa mga indibiduwal na sangkot sa Marcos gold bar scam.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on