WebClick Tracer

NEWS

Bagets `niluwa’ ng ilog

Bangkay na lumutang ang mga labi ng isang 14-anyos na binatilyo na napaulat na nawala sa Batasan-Marikina River sa Barangay Old Balara, Quezon City noong Miyerkoles ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Shelwin Steve Maga na nakatira sa Barangay Batasan Hills sa nasabing siyudad.

Sa report ng Quezon City Police-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang alas-singko ng hapon ng Agosto 17) nang matagpuang palutang-lutang ang bangkay ng binatilyo sa ilog na sakop ng Sitio Payong.

Nalaman sa imbestigasyon ni Corporal Lorenz Mappala na umaga ng Martes ay nagpaalam ang bagets sa kanyang ina na maliligo kasama ang mga kaibigan sa ilog.

Bandang alas-siyete ng gabi, isang nagpakilalang Sheila ang nagsabi sa ina ng biktima na si Aling Maricris na naliligo sila sa ilog nang biglang mawala si Shelwin. Hinanap na umano nila sa ilalim ng ilog si Shelwin subalit hindi nila ito nakita.

Nitong Miyerkoles ng hapon lumutang ang bangkay ng bagets at agad na inahon ng mga awtoridad. (Dolly Cabreza)