WebClick Tracer

NEWS

Waitress, kasabwat timbog sa P2.5M shabu

Nasakote ng mga tauhan ng pulisya ang isang waitress at kasama niyang binata matapos kumagat sa ikinasang buy-bust sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga naaresto na sina Joel Gan Jr. alyas `Nok’, binata, nakatira sa Tanza, Cavite at Micaella Malto, 26, waitress, residente ng San Andres Bukid, Maynila.

Ayon sa Manila Police District-Station 9, naganap ang buy-bust dakong alas-10:40 ng gabi sa panulukan ng San Andres Street at Osmeńa Highway sa Malate.

Isang nagpanggap na buyer ng shabu at ipinain ng mga pulis at nang magkaabutan ay saka inaresto ang dalawang suspek.

Nahulihan ang mga suspek ng tinatayang 373 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na Pp 2,536,000. Nasamsam din kay Gan ang isang baril na kalibre .38 na kargado ng anim na bala.

Nabawi rin umano sa kanila ang tatlong P100 at anim na P50 bills na ginamit bilang marked money.

Kinasuhan na ang dalawa sa Manila Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at dagdag pang kaso sa lalaking suspek sa ilalim ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Juliet de Loza-Cudia)