NI: ARCHIE LIAO
Ayaw nang palakihin ni AJ Raval ang matagal nang kumakalat na alingasngas na buntis siya at nagkaroon na ng anak.
Una, pinabulaanan na ito ng amang si Jeric Raval nang makapanayam ang beteranong aktor sa vlog ng talent manager turned vlogger na si Ogie Diaz.
Hirit pa ni AJ, ayaw niyang sayangin ang kanyang lakas o energy para lang magpaapekto sa ganoong klaseng tsismis o kanegahan.
Nagpapasalamat din siya dahil sa suporta ng kanyang pamilya na patuloy na nagtatanggol sa kanya.
“Sila lang po ang tunay na nakakakilala sa akin,” ani AJ.
Keber din siya sa mga Marites na ipinagkakalat na nasa interesting stage na siya.
” Bahala po sila. Paniwalaan na nila ang gusto nilang paniwalaan. The more kasi na ipinagtatanggol mo ang sarili mo, the more na inaatake ka ng mga tao, “bulalas niya.
Kaya naman, dedma na lang ang attitude niya sa kanyang detractors at rumor mongers.
Naniniwala kasi siyang panahon lamang ang tanging makapagpapatunay kung ano talaga ang totoo.
Thrilled naman si AJ dahil natupad ang pangarap niyang maging action star tulad ng kanyang amang si Jeric sa pelikulang Sitio Diablo na idinirehe ng cult director na si Roman Perez, Jr.
Paliwanag pa niya, hindi rin daw niya gumagawa ang action movie para patunayang hindi siya buntis.
Na-challenge din daw siya sa kanyang role dahil first time niyang sumabak sa mga matitinding fight sequences na kinunan pa sa slum area sa Kamaynilaan at sa karatig na bayan.
Ito rin ang unang pagkakataon niyang makasama si Kiko Estrada bilang nobyo niya na palaban sa kanilang sex scenes.
Maituturing din na pinaka-astig ang pelikulang ito na nagawa ni AJ.