WebClick Tracer

LIFESTYLE

‘Oplan Katok, Lamok Tepok’

Hindi biro ang panganib na dulot ng dengue. Wala itong pinipiling edad, bata man o matanda, lahat tayo ay puwedeng tamaan nito na mula lang sa simpleng kagat ng lamok na may dalang dengue virus.

Bukod sa Covid-19, isa ito sa tinututukan din ng gobyerno lalo pa’t maraming rehiyon na sa bansa ang may dengue outbreak. Ibig sabihin, nahigitan na nila ang epidemic threshold.

Dito sa bayan ng Tanza, lalawigan ng Cavite – umabot na sa mahigit 300 ang kaso ng dengue mula Enero hanggang nito lang unang linggo ng Setyembre. Ang bilang na ito, dalawang daang porsiyentong mas mataas kumpara sa naitala noong mga nakalipas na taon.

Ngayong nasa state of calamity ang bayan, doble-kayod ang LGU Tanza para paalalahanan ang mga residente sa pag-iwas sa nakamamatay na sakit.

Sa tulong ng Department of Health – Calabarzon, inilunsad ng lokal na pamahalaan ang ‘Oplan Katok, Lamok Tepok’ kung saan magbabahay-bahay ang mga healthcare worker, barangay officials at mga tanod para magbigay-paalala sa mga residente.

Kailangan din daw ipunto ang kahalagahan ng ‘search and destroy’. Ito ang una sa 4S na ikinakampanya ng DOH sa publiko. Dapat mawasak ang pinamamahayan ng mga lamok para hindi na ito mangitlog at dumami pa.

Bilang tulong sa lokal na pamahalaan, namahagi rin ng anti-dengue supplies ang DOH – Calabarzon. Bukod pa ito sa installation ng insecticide-treated screens sa mga paaralan.

Ayon kay DOH Region 4A Director Ariel Valencia, ‘Good for 5 years ang screen. Kaya natin nilalagay sa eskwelahan ang mga screen dahil mas matagal nagtitigil ang mga bata rito. Gusto natin na ang pag-aaralan nilang lugar ay ligtas laban sa lamok.’

Kasama sa aktibidad ang mga lokal na opisyal sa bayan ng Tanza sa pangunguna ni Mayor Yuri A. Pacumio at Municipal Health Officer Dr. Ruth Punzalan.

Kooperasyon ang hiling ni Mayor Pacumio mula sa mga residente, ‘Ang kailangan ay magtulong-tulong tayo. Kailangan ang aksyon ay manggaling sa lahat. Ang kailangan po na prevention ay dapat magsimula sa bawat household, sa bawat bahay.’

Importante ring protektahan ang sarili laban sa lamok. Magsuot ng mga damit na may mahahabang manggas. Mag-apply din sa katawan ng mosquito-repellent lotion. Kung kaya ng budget, mas mainam na may screen ang bahay. Kung kapos, puwede namang gumamit ng kulambo.