WebClick Tracer

LIFESTYLE

Koren egg drop sandwich pasok sa panlasang Pinoy

Sa mga mahilig manood ng Koreanovela at sa mga nakapasyal na sa South Korea, tiyak na nakita nyo na o natikman ang Korean egg drop sandwich. Dahil sa hilig ng mga Pinoy sa “everything Korean,” dinala dito sa Pilipinas at ginaya ang kanilang mga pagkain at inumin.

Sa isang lugar sa Bagong Silang, Caloocan, isang mag-asawa na mahilig sa Korean food ang nagsimula ng isang Korean egg drop sandwich store. Dalawang buwan pa lamang ang kanilang sandwich store na pinangalanan nilang Egg Bun MNL pero marami na ang nagkainteres dito dahil talagang nakakatakam ang kanilang mga sandwiches na ginamitan ng brioche bread na buttery ang lasa. Ang brioche bread nila ay makapal at lasang lasa ang pinaghalong ingredients nito na butter, itlog, gatas at kaunting asukal.

Bakit nga ba naging egg drop sandwich? Actually, ang Egg Drop ay isang popular na breakfast franchise sa South Korea na viral sa social media. Iba’t ibang egg sandwiches ang kanilang ibinebenta na may iba’t ipang palaman kung saan ang main star ay ang fluffy na scrambled eggs at ang kanilang sikat na sauce.

Sa Egg Bun MNL, ang mga palaman ay siksik at pinasarap ng sauce na may kaunting sipa ng anghang. Bumagay ang lasa ng sauce sa mga palaman nito na bacon, ham, Korean luncheon meat, at siyempre, ang itlog. Ayon kay Robinson Lagunday, dating mediaman at may-ari ng Egg Bun MNL, sarili nilang gawa ang sauce. Ang kanyang asawang si Jullieve ang naghahanda ng mga sandwiches.

Isang kumpletong meal na ang bawat sandwich at talaga namang nakakabusog – may protina mula sa meat at itlog, may gulay na lechugas, at carbs na hatid ng malinamnam na brioche bread. Nakalagay ito sa isang paper box na may kaakit-akit na disenyo.

Hindi lamang simpleng palaman at itlog ang laman ng kanilang sandwiches kung hindi nilagyan pa nila ito ng twist. Mayroon silang Egg & Spam Nori na ang laman ay 2 slices ng luncheon meat na nakabalot sa nori o dried seaweed, na mayroon ding creamy scrambled egg, cheese at special sauces.

Ang isa pang katakam-takam na may twist ay ang Supreme Overload Sandwich na may lamang ham at bacon, lettuce, cheese, special sauces at ang hash brown na malasang-malasa.

Ang Beef Bulgogi Sandwich nila ay may bonus na sliced boiled eggs sa ibabaw bukod sa mayroon din itong creamy scrambled egg, beef bulgogi, lettuce, cheese at special sauces.

Masarap din ang Seoulgyupsal na ang laman ay spicy marinated pork, kimchi, ssamjang, fishcake, creamy scrambled egg, lettuce, cheese at special sauces.

Mayroon ding ang palaman ay ham o bacon o Hungarian sausage na sinamahan ng scrambled egg, cheese at lettuce.

Bukod dito, mayroon din silang pinausong fries na nasa ibabaw ng lalagyan ng inumin. Pinaghati ang lalagyan ng juice at fries sa isang paper cup para iisa na lang ang hahawakan mo habang kumakain ng fries at umiinom ng juice. Mayroon din silang mga authentic na Korean beverages at Korean ice cream.

Ang Egg Bun MNL ay nasa Phase 5A Package 3 Bagong Silang Caloocan City. Ito ay bukas Martes hanggang Linggo, mula alas dose ng tanghali hanggang alas diyes ng gabi kapag weekdays at mula ala una ng hapon hanggang alas onse ng gabi kapag weekends. Puwedeng tumawag sa 0995 213 0610.