WebClick Tracer

LIFESTYLE

Narra tree pasok sa top 10 antioxidant worldwide

Pinuri ng Million Trees Foundation, Inc. (MTFI) ang resulta ng siyentipikong mga pag-aaral na isinagawa ng De la Salle Dasmariñas College of Pharmacy sa kahalagahan ng puno ng narra na maaring magpagaling sa iba’t ibang sakit dahilan upang mapabilang sa Top 10 antioxidant sa buong mundo.

Inihayag ng mga researcher mula sa De la Salle Dasmariñas College of Pharmacy na naka-base sa Cavite ang natuklasan ng kanilang siyentipikong pag-aaral sa mga extract ng narra sa isang press conference na ginanap sa Rembrandt Hotel sa Quezon City,noong nakaraang linggo.

“This landmark findings about the medicinal value of Narra tree gives us more reasons to pursue our ambitious goal of planting 10 more million trees by 2030,” pahayag ni MTFI president at executive director Melandrew Velasco.

Kinumpirma ng mga professor mula sa De La Salle College (DSLC) na nanguna sa press briefing na sina Dr. Alicia Catabay, Louie Fernando D. Legaspi, Sigfredo B. Mata at Timothy Jay L. Bengala, na ang antioxidant properties ng bark at branch wood ng critically endangered na Philippine National Tree, ay may pinakamataas na Oxygen Radical Absorbance Capacity o ORAC na No. 1 sa bansa at kabilang sa top 10 sa buong mundo.

Ang ORAC ay isang pang-agham na pamamaraan na binuo ng mga siyentipiko mula sa National Institute of Health and Aging upang sukatin ang kapasidad ng antioxidant ng iba’t ibang pagkain.

Sinusukat din nito ang antioxidants na natural na depensa ng katawan laban sa ‘harmful compounds’ na nauugnay sa maraming sakit, kabilang ang panghihina ng katawan, diabetes, sakit sa puso at kanser.

Kasabay nito, isiniwalat din sa pag-aaral na nasusukat din sa ORAC ang parehong mataas na antas ng antioxidant potency.

“Indeed, our native trees are precious and they have medicinal value waiting to be tapped. It is a matter of time that cure to various illnesses could be discovered and developed into life-saving drugs that can help save millions of lives,” ayon naman kay Ret. Police Brig. Gen. Reynaldo V. Velasco, chairman emeritus of MTFI.

Si Gen. Velasco, na noo’y chairman at administrator ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang naging prime mover ng matagumpay na Annual Million Trees Challenge (AMTC) na nagtanim ng 5.2 milyong puno sa limang taon mula 2017 hanggang 2021. (Dolly B. Cabreza)