WebClick Tracer

LIFESTYLE

Sangkot ang damdamin scandal: Matira matibay

Mula batok ay siguradong abot hanggang bumbunan ang kati na nararamdaman ngayon ng isang mambabatas dahil mula sa dating napakatahimik na buhay ay halos bumaligtad ito ng 360 degrees at ang mahirap, minamarites pa siya ng buong sambayanan.

Hindi daw kasi makapaniwala ang mga sumusubaybay sa career at galaw ng mga mambabatas na sa kanya pala ang direksiyon ng eskandalong nagpapasakit din ngayon sa ulo ng kasamahan bunga ng pumutok na pagkakakanya-kanya nito at ng kabiyak.

Kaya sa halip na maconcentrate sa isa lang ang atensiyon ng mga marites, aba’y nadagdagan ang kanilang minomonitor at ang sabi pa nga ng ilan ay parang mas exciting daw ang bagong yugto kumpara doon sa nauna dahil kung saka-sakali ay hindi naman ito ang unang pangyayari sa buhay ng magkabiyak.

May mga nagsasabi ding mas tagilid ang situwasyon ng nasasangkot sa bagong putok na eskandalo dahil puwede itong gamitin ng mga o kasamahang mayroong galit o kaya ay inggit sa kanya at hindi rin daw malayong ang pag-init ng kuwento ay kagagawan nito o ng mga ito.

Sa ganitong pagkakataon, lalabas at malalaman ng mga tao kung sino sa mga nasasangkot sa eskandalo ang magaling humawak at magdala ng situwasyon na kanilang kinasasangkutan.

Bilang mga politiko kasi ay dapat na maging handa sila sa lahat ng uri ng pagsubok, eskandalo, paratang na kung anu-ano at iba pa dahil sa ayaw nila at sa gusto ay talagang mangyayari ito sa kanilang buhay habang nasa puwesto o kaya ay nasa termino.

Sa aking obserbasyon sa mga ganitong pagkakataon, ang pinakamabisang armas ay ang pananahimik o kaya naman, kung ang nasasangkot ay mayroong higit pa sa sapat na lakas ng loob, ay ang pag-amin sa mga ipinupukol sa kanya lalo na nga kung ito ay nakakadagdag ng pormahang makisig.

Naiisip ko nga tuloy na pagdating sa mga rela-relasyon ay wala pa ring makakatapat sa dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil tila tumatalbog na lamang sa kanya ang pangmamarites ng mga kalaban kapag ang isyu ay patungkol sa pakikipagrelasyon na dapat ay nakatago lamang.

Kumbaga sa situwasyon sa loob ng isang public school, kapag nagtanong ng titser tungkol sa bagay na ito ay siguradong isang kamay lamang ang makikitang matatag na nakataas at handang maglahad ng diretsahang sagot kapag tinawag.

At dahil ang mga nasasangkot ngayon ay hindi kayang magaya ang dating Pangulo, aabangan natin ang kanilang mga diskarte kung paano makakaahon sa mga pumuputok na personal na isyu sa kanila.

Nauunawan ko rin ang mga naglalabasang pahayag dahil ang mga nasasangkot, dahil aminin man nila o hindi ay may mga mas malawak pa na plano sa mga darating na panahon bukod sa kanilang mga puwesto sa sa kasalukuyan.

So paano, matira na lang matibay laban sa pagsubok na sangkot ang damdamin.