WebClick Tracer

LIFESTYLE

Platong lamok, kapalit ng kilong bigas

Dalawang linggo mula nang ideklara ang state of calamity sa bayan ng Tanza, Cavite dahil sa dengue outbreak, iba’t ibang pakulo ang naiisip ng mga lokal na opisyal para matuldukan ang dumadami pa ring kaso ng dengue.

Sa Barangay Sanja Mayor, kakaiba ang diskarte ni Kapitan Pedro Aricayos. Hinikayat niya ang mga residente na manghuli ng lamok kapalit ng pabuya. Ang programa, tinawag niyang ‘Isang Platong Lamok, Kapalit ng Isang Kilong Bigas’.

Ang siste, kailangan mo ng plato na gawa sa plastic para hindi mabigat kung ihahampas sa ere. Papahiran ng mantika o anumang klase ng langis ang flat surface ng plato para dumikit ang lamok. Ang sinumang makapagdadala ng isang platong lamok, bibigyan ng isang kilong bigas. Kailangan lang makipag-ugnayan ng residente sa barangay health center para makuha ang premyo. Hanggang katapusan ng Setyembre magtatagal ang pa-contest na ito ni Kap.

Pero kung health authorities ang tatanungin, pinakamabisa pa ring pangontra sa dengue outbreak ang ‘search and destroy’. Ibig sabihin, kailangang hanapin at puksain ang pinamumugaran ng lamok para hindi na ito mangitlog pa.

‘Yan naman ang ginawang hakbang ng Tanza LGU. Dati, tuwing unang Biyernes ng buwan lang ang Cleanup Drive ng lokal na pamahalaan para labanan ang dengue. Ngayon, araw-araw na itong ipinatutupad sa buong bayan para mapanatili ang kalinisan. Alinsunod ‘yan sa Executive Order No. 33, Series of 2022 na inisyu ni Tanza Mayor Yuri A. Pacumio.

Araw-araw ring nag-iikot ang mga healthcare worker at barangay officials para magkitikiti survey. Hinahalughog nila ang kasuluksulukan ng mga bahay para hanapin ang pinamamahayan ng lamok gaya ng gulong, boteng walang takip, tansan, batya, plorera at iba pang kasangkapan na nag-iimbak ng tubig.

Aminado si Municipal Health Officer Dr. Ruth Punzalan na responsibilidad ito ng bawat isa. Hindi kailangang iasa lang sa mga lokal na opisyal ang tungkulin. Dapat gampanan ng lahat ng residente ang paglilinis sa loob at labas ng kani-kanilang bahay. Gaya ng dati nang programa ng gobyerno, ‘Tapat Mo, Linis Mo’. Ika nga – ang kalinisan, nagsisimula sa sariling bakuran.

Sa totoo lang, mas dadali at bibilis ang laban ng pamahalaan sa dengue outbreak kung ang bawat isa’y makikipagtulungan sa pagpuksa sa nakamamatay na mga lamok.