WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

3 dabarkads inambus sa bitbit na P7M

Patay ang tatlong magkakaibigang negosyante matapos na pagbabarilin sila sa loob ng kanilang sasakyan sa Brgy. Villa Panian, Estancia, Iloilo Miyerkoles nang madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang tatlong nasawi na sina John Paul Bosque at Floyd Fernandez, kapwa taga-La Paz, Iloilo City, at Mark Clarence Libao, ng Jaro, Iloilo.

Nagtamo sila ng mga tama ng bala sa katawan.

May isa pa silang kasama na kinilalang si Jebron Parojinog na siyang nagmamaneho ng sasakyan subalit nakaligtas ito matapos umanong makatakbo ng harangin sila ng mga suspek.

Isa siya sa itinuturing na suspek ng pulisya.

Sa ulat ng Estancia Police, nagpunta ng Brgy. Villa Panian ang mga biktima lulan ng Isuzu MU-X upang magbayad umano ng kanyang utang si Bosque.

Bigla silang hinarang ng mga suspek na lulan ng motorsiklo at niratrat ang mga biktima gamit ang kalibre .45 baril saka tinangay ang dala nilang pera na nagkakahalaga umano ng P7 milyon.

Nadala pa sa Jesus Colmenares District Hospital ang tatlong biktima subalit idineklara na silang dead on arrival ng sumuring doktor.

Samantala, bukod sa mga basyong bala ng kalibre .45 ay nakakuha rin ang pulisya ng mga basyong bala ng 9mm sa lugar ng pinangyarihan.

Hindi na rin makita ang sinasabing pera na dala ng mga biktima bago sila pinatay.

Dinala naman si Parojinog sa himpilan ng pulisya upang imbestigahan.

Sinabi nito sa mga awtoridad na binenta nila ni Bosque ang kanilang bangkang pangisda sa halagang P7 milyon upang tulungan niya ang huli na bayaran ang utang nito. Hindi naman umano kilala ni Parojinog kung sino ang pinagkakautangan ni Bosque. (Edwin Balasa)