WebClick Tracer

OPINION

Pondo sa pabahay maraming naglalaway

Garapalan pa rin talaga ang mga sumisindikato sa gobyerno. Kasama na rito ang mga taong ginagawa ang lahat ng paraan para makuha ng puwesto sa gobyerno para mapalawak at mapalalim anumang ang kanyang masamang agenda.

Kasama sa tinatarget ngayon ang Socialized Housing and Finance Corporation (SHFC). Dati ay hindi masyadong pinag-aagawan ang puwestong ito pero biglang nagkainteres ang mga matatakaw na kapitalista matapos mabalita na maglalabas ang Estados Unidos ng isang bilyong dolyar na pondo gayundin ang P157 bilyong housing fund na manggagaling sa savings ng ibang ahensya sa ilalim ng Department of Human Settlement and Development (DHSUD).

Kaya marami ang biglang naglaway para mahawakan ang SHFC. Kasama raw dito dito ang isang dating opisyal ng ahensyang pabahay na naglabas ng P50 milyon para daw masungkit ang puwesto. Akala kasi ng dating opisyal na ito ay sa kanya na talaga mapupunta ang inaasam niyang posisyon. Bakit siya nag-isip ng ganito? Malamang sa alamang dahil pinangakuan siya ng kung sinong Poncio Pilato at tiniyak na siya na ang iuupo.

May kinalaman nga ang P50M na kanyang inilabas para magkumpiyansa na makukuha niya ang inaawitang posisyon. Ang siste, namuhunan itong taong dating opisyal ng P50M dahil kapag naupo siya sa SHFC ay tatabo siya nang husto sa mga proyektong mahahawakan niya sa pabahay. Marami na siyang kausap ng mga kontratista at alam na alam na niya kung paano siya kikikita nang bongga.

Pero ngayon nanginginig na raw ang tumbong ng dating opisyal dahil mukhang mauuwi sa wala ang inilabas niyang P50M. Pera na naging bato pa ang peg ng dating opisyal kung saka-sakali. Para tuloy siyang nagbilang ng mga sisiw pero bugok pala ang mga itlog na kanyang nakikita.

Apektado nga raw ang dating opisyal sa rekomendasyon ng “parallel screening committee” na ibasura ang daan-daang appointment papers na nauna nang pinirmahan. Kasama raw sa mga naturang appointment papers ang ilang kakampi ng dating opisyal na kanyang itinutulak maging opisyal ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), sa paniwalang ang mga ito ang magbibitbit sa kanyang puntirya na maging boss ng SHFC.

Kapag hindi nakalusot ang mga taong magiging kakampi ng dating opisyal na ito, goodbye P50M ang drama. Matindi yata ang nagiging labanan dahil bukod sa kanya ay marami pang nag-iinteres na rin sa posisyon bilang presidente ng SHFC. Dahil malaki ang magiging pondo sa pabahay, dumami na ang mga naglalaway!

At dahil dito, usap-usapang handa daw ang dating opisyal na muling maglabas ng P50M para lamang maisulong ang kanyang plano kasama ng kanyang mga kakampi. Hindi natin alam kung ano ang mangyayari. Magtatagumpay kaya ang dating opisyal sa kanyang “pamumuhunan”? Mailulusot kaya niya ang kanyang maitim na balak?

Abangan natin ang magiging kaganapan sa pagpupuwesto ng mga opisyal sa mga tanggapan ng gobyerno na may kinalaman sa pabahay. Sana ay hindi sila magtagumpay dahil nanganganib na mapunta lamang sa malalalim na bulsa ng mga ganid na ito ang pondong ilalabas para sa pabahay. Kapag nagtagumpay sila, malaki-laki ang babawiin nilang kapital. Malaki-laking kupitan ‘yan pag nagkataon!