WebClick Tracer

OPINION

Singil sa Zameco puwede palang tapyasan

Ibang klase rin ang ilang power distributor sa bansa gaya na lamang ng Zambales Electric Cooperative (Zameco) na naghahatid ng serbisyo ng kuryente sa buong lalawigan ng Zambales.

Mayroon itong dalawang sangay sa Zambales ang Zameco 1 at Zameco 2 kaya kapag nagtaas talaga ay buong lalawigan ang apektado.

Nakaraang linggo ay inanunsyo ang gagawing bawas singil sa kuryente ng mga siniserbisyuhan ng Zameco matapos makipagpulong sa ilang lokal na opisyales ng Zambales sa pangunguna ni Congressman Jay Khonghun at mga kaanak din nitong mga politiko sa iba’t ibang bayan ng nasabing lalawigan.

Napagkasunduan matapos ang pakikipagpulong ng mga Khonghun sa mga bumubuo ng Zameco ang pagbababa ng mahigit P3 hanggang P5.

Ang bawas singil sa kuryente ng Zameco ay ipatutupad ngayong buwan.

Ang tanong ano kaya ang basehan at kumambiyo ang Zameco at nagpatupad ng bawas-singil?

Siyempre pabor tayo sa naging hakbang ng Zameco na babaan ang singil lalo na’t maraming mamamayan sa Zambales ang maliit lamang ang kinikita pero pikit matang nagbabayad sa napakataas na singil ng Zameco dahil sa takot na magdilim ang kanilang kapaligiran.

Pero nakapagtataka lamang na kaya naman palang hindi magpatupad ng pagtataas sa singil ang Zameco ay bakit kailangan nila itong gawin.

Kailangang ilantad ni Cong Khonghun ang dahilan kung bakit nila nakumbinsi ang Zameco na babaan ang singil.
Hindi dapat matapos lamang sa pagbaba ng singil ng Zameco ang lahat. Dapat silipin ng Kongreso kung tama ba ang basehan ng Zameco sa pagtaas nila ng singil.

Kung narerendahan ng Kongreso ang ibang power distributor sa buong bansa, dapat ganundin ang gawin sa Zameco dahil kaawa-awa ang mga mamamayan ditong pikit-mata sa pagbabayad ng napakataas na kuryente gayong puwede naman palang babaan kung kokornerin ng isang angkan ng mga politiko!

Mas mabibilib ako kay Cong Khonghun kung inilapit nya sa Kamara ang sobrang taas ng singil sa Zameco at hindi sinolo ang pakikipag-usap sa electric cooperative para maging transparent sa lahat.