WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Albay governor sinibak ng Comelec sa spending ban

Pinagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) First Division ang isang petisyon na inihain para ma-disqualify si Albay Governor Noel Rosal dahil sa paglabag sa 45-day spending ban.

Sa 22-pahinang dokumento na inihayag nitong Lunes, inihayag ng First Division na kinatigan nila ang petisyon na inihain ni Joseph San Juan Armogila.

Sa kanyang complaint affidavit, idinetalye ni Armogila na nilabag ng respondent ang Omnibus Election Code.

Batay sa affidavit, kaugnay ito ng dalawang araw na cash assistance payout para sa mga tricycle driver sa halagang P2,000. Isinaad din nito na ang pagpapalabas ng cash assistance sa mga tricycle driver at senior citizen ay labag sa naturang election law.

Iginiit naman ng respondent na ang mga pay-out na aktibidad sa loob ng panahon ng spending ban ay pagpapatuloy lamang ng mga nakaraang batch ng pagpapatupad nito. Dagdag pa niya, ang mga aktibidad ay pinangunahan ng City Social Welfare and Development Office at iniulat sa Commission on Audit (COA).

Sinabi naman ng First Division na hindi exempted activity at hindi binigyan ng exemption ng Comelec ang cash assistance pay-out sa mga tricycle driver at senior citizens sa loob ng 45 araw. (Mina Navarro)