WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Brodkaster ginilitan, todas

Isang radio broadcaster ang binawian ng buhay matapos itong gilitan sa bahay na kanyang pinuntahan kamakalawa ng gabi sa bayan ng Mabinay, Negros Oriental.

Kinilala ang biktima na si Rey Blanco, mas kilala sa pangalang DJ Blanco, anchor ng Rakrakan sa Hapon Bulls Eye ng Power 102.1 DYRY FM Mabinay Radio station.

Sinubukan pa itong isugod sa Mabinay Community Hospital subalit idineklara na itong dead on arrival dahil sa tinamong laslas sa leeg.

Sa ulat ng Mabinay Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente alas-sais ng gabi nang magtungo ang biktima sa bahay ng isang Wilbert Amada sa Barangay Himucdongon ng nabatid na bayan.

Habang nag-uusap ang dalawa ay bigla na lang umanong sinugod ng suspek na si Charles Yanoc Amada, kapatid ni Wilbert, si Blanco at walang sabi-sabing ginilitan ang leeg nito habang nakatalikod.

Kusang loob namang sumuko sa rumespondeng pulisya ang suspek.

Sa ngayon ay inaalam pa ang motibo ng suspek sa ginawa nitong pagpatay sa biktima habang nakakulong sa Mabinay MPS detention cell. (Edwin Balasa)