WebClick Tracer

OPINION

Sumusunod sa takbo ng panahon

Tandang-tanda ko pa noon na para makapagsulat ng balita, kailangan munang tumipa sa makinilya at isubo ito sa fax machine para makarating sa opisina. Kalaunan, naitsapuwera ang makinilya sa pagpasok ng mga computer pero piniprint pa rin ang article para i-fax.

Sumunod na naitsapuwera ang fax machine dahil nauso naman ang email kung saan doon na pinapadala ang mga istorya.

Dati, para mabilis na makapagpadala ng mensahe ay kailangan mong magtelegrama kung kapos sa budget. Kung sa koreo kasi, pinakamabilis na ang dalawang araw at pinakamahaba naman ang isang linggo. Ngayon, isang pindot lang sa cellphone, naipapadala agad ang text message sa loob ng isang segundo.

Sa modernong panahon ngayon, maraming gamit ang nawawalan ng saysay. Pati na ang estilo ng pagtatrabaho, may iba nang paraan.

Noong nakaraang Biyernes, inisyu ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang Order No. 237, upang susugan ang implementing rules and regulations ng Republic Act 11165 o Telecommuting Law.

Sa ilalim ng bagong patakaran, ang alternative work arrangements tulad ng work from home ay boluntaryo na. Kapag sinabing “alternative workplace”, ito ay ang mga lugar kung saan puwedeng magtrabaho gamit ang teknolohiya tulad sa bahay ng empleyado, lugar ng kasamahan sa trabaho o lugar kung saan pwede ang mobile working.

Sa kabila nito, gumagawa pa rin ng hakbang ang isang miyembro ng Senado upang mapunan ang ilang butas sa nasabing batas. Giit ni Sen. Sherwin Gatchalian, hindi dapat mawala ang mga insentibo sa mga empleyadong nagtatrabaho sa work from home.

Sabi ni Gatchalian, apektado ng nasabing arrangement ang mga nagtatrabaho sa economic zones dahil hindi sila pinapayagan na mag-work from home o mayroong limitasyon. Kung hindi sila pisikal na magtatrabaho sa opisina, wala silang matatanggap na insentibo.

Ang Telecommuting Law ay naging batas lamang noong Marso 26, 2019. Sa una ay nilangaw ito dahil physical pa rin na nagrereport sa trabaho ang mga empleyado. Pero nang manalasa ang COVID-19 pandemic noong Marso 2020, doon na nasubukan ang pakinabang ng batas na ito.

Ngayong unti-unti nang nagbubukas ang ekonomiya at marami na rin ang pumapasok sa trabaho, bumalik naman ang dating problema sa trapik na siyang kumakain sa oras ng mga empleyado.

Muling nakita ang kahalagahan ng work from home dahil at least ay hindi ka sasabak ng dalawa hanggang apat na oras na pagbibiyahe, papasok at papauwi, kung aktuwal na magtatrabaho sa opisina.

Sabi nga ni Gatchalian, dahil sa pandemya, napaganda pa ang quality of life dahil mas maraming oras tayo sa ating mga minamahal, marami tayong oras para sa anak kung tayo ay nag-aalaga.

Hindi lang tungkol sa trabaho ang kabutihan ng work from home kundi napaganda rin nito ang pagsasama ng bawat pamilya.