WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Criminology student todas sa hazing

Nasawi ang isang 19-anyos na criminology student ng University of Mindanao (UM) matapos umano itong dumanas ng sobrang pagpapahirap sa initation rites ng 14 na opisyal ng Alpha Kappa Rho (AKHRO) fraternity nitong Linggo sa Davao City.

Kinilala ng Police Regional Office 11 (PRO-11) ang biktima na si August Ceazar Saplot. Nakatakas naman sa kabila ng mga tinamong sugat sa katawan ang 18-anyos nitong kasama at nagpapagamot ngayon sa isang ospital.

Isinagawa umano ang initiation rites sa mga biktima sa Upper Mandug, Buhangin District sa Davao City nitong Linggo.

Samantala, nasa kustodiya na ng Mandug Police Station 13 at nakatakdang sampahan ng paglabag sa Republic Act 8049 o the Anti-Hazing Law ang walo sa mga suspek na sina Jeremiah Obedencia Moya, Leji Wensdy Ofecio Quibuyen, John Lloyd Garciano Sumagang, Harold Joshua Sagaral Flauta, John Steven Baltazar Silvosa, Ramel John Potenciano Gamo, Gilbert Escodero Asoy Jr. at Roseller Andres Gaentano.

Tinutugis ang anim pang kasamahan ng mga ito na tumakas matapos ang insidente.

Kinondena naman ng unibersidad ang sinapit ng biktima at idiniin na ipinagbawal na nila ang anumang fraternity simula nang mapagtibay ang Anti-Hazing Law sa bansa. (Kiko Cueto)