WebClick Tracer

LIFESTYLE

Hindi tugma ang hoodie sa Senate Session Hall

Ping Lacson, Vicente Sotto III, Antonio Trillanes IV, Francis Pangilinan.

Kitang-kita ang simbolo ng respeto sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso kapag tinitingnan ang kanilang mga kasuotan pati na rin ng iba pa nilang kasamahan sa pagdalo sa mga plenary sessions.

Kaya nga marami ang nakaka-miss sa kanila at naiiling na lamang kapag naikukumpara sa mga datingan ng ilan sa mga bagong miyembro ng Mataas na Kapulungan sa ilalim ng pamumuno ng kasalukuyang Senate President na si Senador Juan Miguel Zubiri.

May mga nakaalala tuloy noong si Senador Lito Lapid ay unang beses pa lamang naging miyembro ng Senado at dumalo sa sesyon na dahil sa kanyang kasuotan ay pinayuhan ni Senador Ping Lacson nang mabaterya ng namayapang si dating Senador Joker Arroyo.

Napuna kasi ng mga kasamahan dati ni Senador Lapid na alanganin na pang session hall ang kanyang suot kaya nagmagandang loob si Senador Ping na ialok para magamit ang reserba niyang damit na tugma para sa session hall.

Nababalikan ang mga bagay-bagay na ito dahil marami ang nakapuna sa suot ni Senador Robinhood Padilla sa ilang pagkakataon na siya dumadalo sa sesyon at nagpa-participate pa sa deliberasyon na ang ibig sabihin ay tumatayo siya at nagsasalita.

Nag-iisang pagkakataon ang eksena ni Senador Padilla na dumalo siya ng session na naka-hoodie na ang kulay pa mandin ay camouflage na salungat na salungat sa coat and tie at barong na siyang nararapat na suot sa mga lugar na katulad nito.

Nag-iisang pagkakataon dahil, marami na rin naman nang nauna sa kanyang naging miyembro ng Mataas na Kapulungan mula sa mundo ng showbiz gaya nga ng nabanggit ko sa taas na si dating Senate President Tito Sotto, mga senador na sina Ramon Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Lapid at lahat sila ay hindi mo makikitang nagdamit ng alanganin sa loob ng session hall.

Ang napupuna nga kadalasan ay mas tumitikas ang kanilang pagdadala ng coat and tie at barong habang papatagal nang papatagal sa Senado dahil nga marami silang natututunan na puwedeng ipandagdag sa dati nang tikas na tinataglay.

Hindi lamang siguro nakikita ni Senador Padilla pero kung ano ang kanyang porma sa loob ng session hall ay damay lahat ng mga kasama niya lalong lalo na ang liderato ni Senate President Zubiri dahil dito nasasalamin ang uri ng kanyang pamumuno.

Dapat na sigurong ituon ni Senador Padilla ang kanyang isipan sa katotohanang siya ay isang nang mambabatas na dapat ay nagsusuot ng kapita-pitagan sa loob ng session hall at wala na sa kampanya kung saan ay kailangan niyang magpaka-jologs para makasungkit ng boto ng kabataan.

Kung babalikan din, si BBM ay madalas na naka-hoodie na kulay pula noong kampanya pa lamang dahil batay sa pag-aaral ng kanyang mga handler, napakalakas nito umakit sa kabataan, pero nang siya ay maging Pangulo na, mistulang 360 degrees na nabago ang pananamit niya lalo sa mga formal events.

Puwede rin sigurong mapayuhan si Senador Padilla ng kanyang mga kasamahan kasi damay sila sa kung anumang magiging puna sa institusyon batay sa pagsuot nito ng hoodie habang dumadalo sa plenary session.