WebClick Tracer

LIFESTYLE

Tara na sa Cavite City Grand Carnival

Naghahanap ka ba ng mapapasyalan ng iyong pamilya at mga barkada ngayong magpa-Pasko na abot-kaya at swak sa budget?

Huwag nang lumayo pa dahil binuksan na ang Grand Carnival sa lungsod ng Cavite kamakailan. Alternatibo ito sa iba pang theme-parks sa Metro Manila at mga karatig probinsiya na may kamahalan ang entrance fee.

Tampok sa level-up na peryang ito ang iba’t ibang rides na talaga namang all-time favorite ng mga Pilipino. Kabilang dito ang roller coaster, ferris wheel at vikings. Hindi rin mawawala sa perya ang paborito ng mga bata – ang pamosong grand carousel.

Hindi lang mga Caviteño ang tiyak na mag-eenjoy. Pati mga taga kalapit-lalawigan at lungsod, dumadayo rin sa Grand Carnival para magsaya at mag-bonding kasama ang mga mahal sa buhay.

Sa mga takot mag-rides at ayaw mahilo, marami namang board games na mapagpipilian. Ang kailangan lang – target shooter ka para makuha ang inaasam-asam na premyo.

Marami ring mga laruang mabibili sa murang halaga – kaya bukod sa pamamasyal, puwede ka pang mag-early Christmas shopping para sa iyong mga inaanak.

Kapag inabot ng gutom sa pamamasyal at pamimili, worry no more dahil maraming food stalls sa loob ng peryahan.

Sa Facebook post ni Cavite City Mayor Denver Chua, sinabi niyang isa ito sa ipinangako ng Team Unlad sa mga Caviteño noong panahon ng kampanya – ang ibalik ang saya at sigla sa lungsod.

Kaya naman sampu ng kanyang mga kasama sa Cavite City LGU, inaanyayahan ni Mayor Denver hindi lang mga bata, pati na ang mga young at heart na makisaya sa Grand Carnival ng kanilang lungsod.

May utos na mula sa Malacañang na boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa open spaces. Sa kabila nito, ipinapayo pa rin ng health authorities na ibayong pag-iingat pa rin ang kailangan para hindi madali ng Covid-19. Ugaliin pa ring magdala ng sanitizer at alcohol para makaiwas sa virus transmission.

Ano pang hinihintay n’yo, tara nang mamasyal sa Grand Carnival!