WebClick Tracer

SPORTS

Bolick, NorthPort niligwak Phoenix

Naiwan ng hanggang 19 ang NorthPort, pero nangulit sina Robert Bolick at Roi Sumang sa dulo para agawan ng panalo ang Phoenix 92-89 sa opening day ng PBA Commissioner’s Cup Huwebes ng gabi sa MOA Arena.

Down 10 pa ulit ang Batang Pier sa stretch bago kumana ng layup at 3 si Sumang. Sa dulo, umatake ang guard mula UE bago binatuhan ang naghihintay sa sulok na si Bolick para ibaon ang dagger 3.

“A win is a win. We’re struggling the whole game. Defensively, offensively ‘di namin makuha,” bulalas ni coach Pido Jarencio. “Maganda lang ‘yung puso andu’n, ‘yung will to win andu’n. Then players executing in the end tapos si Mr. Clutch Robert Bolick.”

Naka-7 points lang si Bolick sa first half pero tumapos ng 21. Nagsumite ng 19 points, 15 rebounds, 4 steals si Prince Ibeh bago na-fouled out.

Sa first half lang, naglista na ng career-high 4 blocks si Arvin Tolentino sa una niyang laro sa NorthPort matapos mai-trade mula Ginebra kasama nina Jeff Chan at Prince Caperal. Nag-ambag si Tolentino ng 16 markers.

Nawalan ng saysay ang 24 points, 13 rebounds ni Javee Mocon sa Fuel Masters, minanduhan ni assistant coach Jamike Jarin habang nasa ilalim ng health protocol si coach Topex Robinson.

Sa first game, nagtistis si Myles Powell ng 41 points, sinahugan ni Glenn Yang ng 23 at nilampaso ng Bay Area Dragons ang Blackwater 133-87 – biggest winning margin ng isang guest team sa 47-year-old league. (Vladi Eduarte)