WebClick Tracer

OPINION

‘Wag masilaw sa pakulo ng mga recruiter

Inaalalayan ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga Pinoy na naging biktima ng mga illegal recruiter.

Tulong legal at trabaho ang inaalok ng DMW sa mga kababayan nating inaalat matapos maging biktima ng mga nagkalat na illegal recruiter.

Sa katunayan isang job fair ang inilunsad kung saan ay daan-daang mga biktima ng illegal recruitment ang tinulungan ng tanggapan ni DMW Sec Toots Ople katuwang ang ilang lisensyadong mga recruitment agency.

Kabilang sa mga inalok na trabaho ay karpintero, kasambahay, mga restaurant worker at hairdressers para sa New Zealand, Qatar, Saudi Arabia, at Japan.

May alok ding libreng legal assistance ang DMW para habulin ang mga nasa likod ng panloloko sa ating mga kababayang nangangarap kumayod sa ibang bansa para maitaguyod ang kanilang mga pamilya.

Matuto naman na sana ang mga kababayan natin sa dami ng mga nabibiktima ng mga illegal recruiter araw-araw.

Alam kong hindi nagkukulang ang gobyerno sa paalala kaya sana ay pakinggan natin ang mga abiso ng mga kinauukulan para hindi mabiktima ng nagkalat ng mga illegal recruiter na ang puntirya ay mga kababayan nating atat makapangibang-bansa para doon kumayod.

Sabi nga ni DMW Undersecretary Hans Leo. J. Cacdac huwag kakagat sa mga offer na mayroong libreng plane ticket at minsan pa bibigyan ng pocket money dahil ikakapahamak n’yo ito.

Para makasiguro ring lehitimo ang mga nakakatransaksiyon ninyo sa pagtatrabaho abroad ay makipag-ugnayan sa Philippines Overseas Employment Administration (POEA) at DMW para masigurong legal ang gagawing pagtatrabaho sa ibayong dagat mahirap na baka pagdating sa lugar na ipinangako ng recruiter ay wala kang dadatnang trabaho.
***
Hindi pa ipinatutupad ang taas-pasahe sa jeep, bus, taxi at TNVS dahil sa Oktubre 3 pa ayon sa ulat.

Pero nakakalungkot na may ilang naningil na ng dagdag pasahe.

Sana ang mga ganitong klaseng pagsasamantala ay mapagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan dahil kaawa-awa naman ang mga pasaherong walang kalaban-laban sa mga abusadong tsuper.

Kumilos naman sana ang LTFRB at paigtingin ang information campaign para nagiging malinaw sa transport sector kung kailan ipatutupad ang dagdag-singil.