WebClick Tracer

OPINION

Bitiw sabay bitin

Bukod sa mga ibibida ni PBBM mga tropapips tungkol sa biyahe niya sa Amerika, malamang na inaabangan din mga utaw kung maglalagay pa ba siya ng bagong ES o Executive Secretary at sino kaya?

Kasabay kasi ng paglipad ni PBBM papuntang Amerika para sa working visit, inanunsyo naman ang biglang pagbibitiw ni Atty. Vic Rodriguez bilang executive secretary na tinatawag ding “little president.”

Iyon nga lang, nang magbitiw si Atty. Vic, para naman siyang lumambitin dahil sa bago nitong posisyon bilang COS o chief of staff ni PBBM. Kung tutuusin, kung wala namang itatalagangbagong ES, parang si Atty. Vic pa rin ang magiging “little president” bilang COS.

May ilang miron sa Palasyo ang nagbulong na hindi na sila nasorpresa nang magbitiw si Atty. Vic bilang ES. Sa umpisa pa lang daw kasi, may mga sikuhan na sa tinatawag na “kusina” ng Malacanang. At hindi raw kataka-taka kung sakaling ino-“operate” siya ngayon.

Kung babalikan nga daw ang nakalipas nang panahon na binubuo pa lang ang Gabinete ni PBBM, mapapansin daw na biglaan din nang ianunsyo ni Atty. Vic ang pagbibitiw niya bilang spokesperson noon nang kapapanalo pa lang na si BBM para kunin ang posisyon bilang ES.

Ang dahilan daw kasi, may ibang pumuporma noon at nag-aambisyon na maging ES. Pero ngayong binitawan na ni Atty. Vic ang nasabing puwesto, mapunta na kaya ang titulong “little president” sa kung sino man na nag-aambisyon nito noon?

Sa ngayon, hindi pa klaro mga tropapips kung ano talaga ang magiging trabaho ng COS, at hanggang saan ang abot ng powers ng opisina niya. Kung mga trabahong administratibo ang itotoka sa tanggapan ng COS, puwede na raw ipagawa iyon sa Presidential Management Staff o PMS.

Dahil sa bagong tanggapan ang COS, ibig sabihin, may mga bagong opisyal at dagdag na mga tauhan, at dagdag gastos. At ano kaya ang mga tungkulin ng ES ang gustong ilipat sa COS na kinontra ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile?

Mayroon daw kasing “special order” na inihanda tungkol sa saklaw ng posisyon ng COS na maaaring makaagaw ng trabaho ng ES. Kaya inirekomenda raw ni Enrile kay PBBM na huwag pirmahan ang sinasabing kautusan.

Pero iyon nga lang, dahil lumabas ang mga impormasyon na papaalis si PBBM papuntang US, hindi pa malinaw kung ano ba talaga ang ano, at alin ba talaga ang alin?

Sabi ng miron natin sa Palasyo, kung magkakaroon pa rin ng ES kahit may COS, at hindi malinaw ang hatian ng kapangyarihan, hindi raw malayo na magkaroon sa liderato ni PBBM ng bersyon ng “Balay vs Samar” group noong panahon ni PNoy o kaya naman eh “Davao vs Classmate” group sa panahon ni PDu30. Aba’y abangan natin ‘yan. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”