WebClick Tracer

NEWS

2 preso sa Cabuyao City Jail todas sa diarrhea

Kinumpirma kahapon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na dalawang person deprived of liberty (PDL) o mga preso sa Cabuyao City Jail sa Laguna ang binawian ng buhay dahil sa diarrhea.

Tiniyak naman ni BJMP spokesperson Xavier Solda na kontrolado na nila ang diarrhea outbreak sa naturang bilangguan.

Batay sa datos ng BJMP, nasa 63 preso ang dinapuan ng naturang sakit matapos na makainom ng kontaminadong tubig sa loob ng city jail.

Nasa 29 umano sa mga nagkasakit na preso ang pinayuhang magpatuloy sa kanilang medical treatment.

Nagkaloob na rin aniya ang lokal na pamahalaan ng Cabuyao ng mga mineral water at water dispenser upang agad na masawata ang diarrhea outbreak. Naglagay na rin ng water filter sa mga gripo upang matiyak na malinis ang tubig sa piitan.

Nabatid na inatasan na rin ni BJMP chief Allan Iral ang health service at ang warden na masusing i-monitor ang mga preso.

Mahigpit din ang habilin ng BJMP chief sa pamunuan ng Cabuyao City Jail na tiyaking hindi na mauulit pa ang diarrhea outbreak sa naturang pasilidad. (Dolly Cabreza)