WebClick Tracer

METRO

2 totoy tinarakan 14-anyos sa rambulan

Dalawang menor de edad na kabilang sa rambulan ng kabataan ang inaresto ng mga pulis matapos saksakin ang isang binatilyo sa Barangay Bungad, Quezon City, Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Quezon City Police District director Brig. Gen. Nicolas Torre III, edad 13 at 15 ang mga suspek habang 14-anyos naman ang biktima.

Batay sa ulat ng Masambong Police Station 2, dakong alas-7:15 ng gabi nang mangyari ang rambulan ng kabataan sa tapat ng Judge Juan Luna High School sa Barangay Bungad.

May hinihintay lamang umano ang biktima sa naturang lugar nang bigla na lamang sumulpot ang grupo ng kabataan at sa hindi malamang dahilan ay biglang pinagtulungang bugbugin ang 14-anyos na binatilyo.

Kasunod nito ay sumiklab ang rambulan hanggang sa hinambalos ng mga suspek ng baseball bat ang biktima saka sinaksak pa sa likuran.

Nakita naman ng kapatid na babae ng biktima ang pangyayari kaya’t agad itong humingi ng tulong sa Barangay Police Safety Officer (BPSO).

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang biktima sa Quezon City General Hospital.

Nasakote naman sa follow-up operation ang dalawang binatilyo na itinuturong responsable sa pananaksak sa biktima.

Ibinigay na sila sa kustodiya ng City Social Welfare and Development dahil mga menor de edad pa. (Dolly Cabreza)