WebClick Tracer

NEWS

3 sakay ng carnap na motor, timbog

Kalaboso ang tatlo katao matapos arestuhin sa pagtangay ng isang motorsiklo at nahulihan pa ng boga at droga sa Taguig City kamakalawa ng gabi.

Nagsasagawa ng checkpoint ang Taguig Police sa Barangay Calzada-Tipas nang dumaan ang tatlong suspek na sakay ng isang motorsiklo bandang alas-11:35 ng gabi.

Sinita sila dahil walang suot na helmet at nang hanapan ng lisensya at papeles ang motorsiklo ay walang maipakita kung kaya’t inaresto sila ng mga pulis.

Kinilala ang dalawa sa mga suspek na sina Mark Brylle alyas `Macling’, 19; Arlyn de Leon, 25, parehong walang trabaho at mga residente ng Taguig. Hindi na pinangalanan ang isa pang suspek na 16-anyos pa lang.

Base sa pulisya, mga miyembro umano ng Bobby Arao robbery gang ang tatlong suspek.

Nalaman din sa imbestigasyon na nakaw ang dala nilang motorsiklo na Honda Click 125i na may plakang 316 QQR. Lumitaw na isang Jhumar Castro, Grab driver, ang may-ari ng motorsiklo at kinumpirma umano nito na sa kanya ang sasakyan.

Nahulihan din ang mga suspek ng isang isang .9mm caliber Shooter; isang magazine nito, limang live ammunition, isang granada, 5.97 gramo ng shabu at 1.90 gramo ng marijuana.

Nahaharap sila ngayon sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives, at paglabag sa Anti-Carnapping Law at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Betchai Julian)