WebClick Tracer

NEWS

Drayber yari sa `holdap me’

Isang gawa-gawang kuwento ng holdapan ang napatunayang inside job lamang ang naresolba ng mga tauhan ng pulisya sa San Jose City, Nueva Ecija kamakalawa.

Sa ulat ni Lt. Col. Marlon Cudal sa tanggapan ni Col. Ricardo Caballero, acting Nueva Ecija police director, nagsumbong si Reynaldo Saplan Montemayor, 46-anyos na negosyante ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa imbestigasyon ni PMSg Apolinario Tolentino, dakong alas-10:30 ng gabi noong Martes ay tinawagan umano si Montemayor ng kanyang truck driver na si Marvin Bautista Asuncion, 36, at sinabing naholdap ito.

Nangyari umano ang panghoholdap habang nakaparada ang trailer truck na may kargadang panindang gulong sa bakanteng lote sa Brgy. Kita-Kita, San Jose City.

Hindi binanggit ng drayber kung ilan ang suspek subalit tinangay umano ng mga ito ang 63 piraso ng gulong at tumakas sakay ng XLT type jeep.

Subalit nang isailalim sa interogasyon ang pahinante ng trak na si Victorino Manat Pascua, 21, umamin ito na walang nangyaring holdapan.

Inamin umano ng pahinante na may ilang kasabwat sa pagkawala ng mga gulong na nagkakahalaga ng P241,920.

Arestado na ang truck driver sa gawa-gawang holdap. (Jojo De Guzman)