WebClick Tracer

NEWS

Enrile sinopla sa Cha-Cha

Pumalag ang isang kongresista sa rekomendasyon ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na ibalik ang 1935 Constitution kung aamyendahan ang kasalukuyang Saligang Batas o magkaroon ng Charter Change (Cha-Cha).

Partikular na inalmahan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang kagustuhan ni Enrile na magiging simple at madali na ang pagdeklara ng martial law ng pangulo sa anumang nagbabadyang giyera, rebelyon, o paghihimagsik na siyang nakapaloob sa 1935 constitution.

“This proposal spits on the graves of the thousands of martial law victims who died fighting for the Filipino people’s rights during Marcos Sr.’s regime,” ayon kay Brosas.

Ang kagustuhang ito umano ni Enrile ay pagpapatunay na naman sa hangarin nitong isentrong muli ang lahat ng kapangyarihan sa kamay ng pangulo.

“Hindi dapat gamitin ang guni-guning pangamba sa insureksyon o rebelyon para bigyan ng absolutong kapangyarihan ang pangulo, sa pagtatangkang pagtakpan na naman ang matinding kahirapan na pasan-pasan ng mga Pilipino,” ayon kay Brosas.

Hindi rin umano makakasagot sa matinding problema ng bansa tulad ng kakulangan sa trabaho, kahirapan at kawalan ng pondo sa serbisyong panlipunan. (Eralyn Prado)