WebClick Tracer

NEWS

Galamay ng Contreras gang nasakote

Isang miyembro ng criminal gang na nakalista umano bilang high-value individual sa Central Luzon ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa ikinasang buy-bust sa Barangay Sto. Niño, Plaridel, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Col. Relly Arnedo, acting police provincial director ng Bulacan, ang suspek na si Montalbo Ronaldo alyas `Bong’, 48-anyos, construction worker at nakatira sa Barangay Poblacion, Plaridel.

Miyembro umano ang suspek ng Contreras criminal gang na sangkot sa mga robbery, carnapping at pagtutulak ng droga sa Bulacan at mga kalapit na lalawigan sa Central Luzon.

Nasakote ang suspek dakong alas-5:530 ng hapon noong Miyerkoles matapos umano ang halos isang linggo na surveillance operation.

Hindi na pumalag ang suspek nang dakmain matapos kumagat sa buy-bust.

Nakuha umano sa suspek ang 18 small heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may bigat na 10 gramo at nagkakahalaga ng P68,000, isang cellphone at narekober din ang buy-bust money. (Jun Borlongan)