WebClick Tracer

OPINION

Ilang private hospital mukhang pera!

Maraming mga pribadong hospital ang hindi sumusunod sa Anti-Hospital Deposit law sa kabila ng pagiging batas nito na dapat sundin sa ilalim ng Konstitusyon.


Sa Metro Manila pa lamang ay may mga pribadong hospital ang patuloy na sumusuway sa batas kaya maraming mga pasyente ang nagiging biktima ng pagiging gahaman ng mga nagpapatakbo sa mga pribadong ospital.

Personal kong naranasan ang pagiging ganid ng isang private hospital nitong unang linggo ng Setyembre habang ako ay nasa emergency room at inaalalayan ng mga doctor at nurses dahil sa aking karamdaman.

Wala pa akong pitong oras sa loob ng ER ay tinawagan na ako ng nasa reception para ipaalam na nasa mahigit P72,000 na ang running bill ko at kailangan akong ma-admit para magtuloy-tuloy ang gamutan.

Pumayag ako dahil mayroon naman akong medical insurance mula sa aking kumpanya pero ang sabi ng staff ng hospital kailangan ko munang magdeposito ng P50,000 para ma-admit.

Nagulat ako dahil akala ko sa pelikula lamang at sa komiks napapanood at nababasa ang ganitong kuwento pero personal ko palang mararanasan ito.

Madaling-araw ako tinawagan ng in-charge sa admission, at kung ikaw ang maysakit mawiwindang ka kung saan ka kukuha ng singkuwenta mil pesos agad-agad para maideposito sa ganid na ospital na yan.

Ipinaalala ko sa kausap ko sa telepono, kaharap ang doctor na nag-aasikaso sa akin na bawal ang manghingi ng deposito mapa-publiko o pribadong hospital man yan pero hindi natinag ang hospital staff. Para wala ng maraming kuda, nagpa-discharge ako agad agad kahit na ayaw pumayag ang doctor.

Habang pumipirma ako ng waiver na hindi kasalanan ng hospital sakaling may masamang mangyari sa akin ay nagpaliwanag ang doctor na hindi nila kontrol ang patakaran ng hospital na pinaglilingkuran nila.

Ang anti-hospital deposit law ay ganap na naging batas noong August 3, 2017 matapos itong lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatakda ng mas mataas na parusa sa mga hospital at clinics na tatangging magbigay ng medical treatment sa mga emergency o seryosong kaso.

Ang mga lalabag nito ay may katapat na parusang pagkakulong ng hanggang dalawang taon at multang mula P100,00- P300,000 para sa mga empleyado ng hospital at medical staff; habang apat hanggang anim na taong pagkakulong naman at multang kalahating milyong piso hanggang isang milyong piso sa mga director at opisyal ng hospital na nagpatupad ng sariling polisiya at hindi sumunod sa batas.

Marami na akong nabalitaang ganitong gawain ng mga ganid na hospital pero walang maglakas-loob na magsumbong o magsampa ng reklamo dahil sa mga pansariling dahilan.

May isa pang pribadong hospital na pinuntahan ko dahil kalapit lamang ng pinasukan kong hospital at pagpasok ko pa lamang sa emergency room ay sinabihan agad ako na wala na silang bakanteng kuwarto maliban sa suite room na pagkamahal-mahal sa halagang P5,000 isang araw. Daig mo pa ang nag-check in sa isang hotel.
Hindi ka agad aasikasuhin dahil sa sakit mo, kundi kakausapin ka muna para gumastos ka sa RT-PCR test na may dalawang choices: P3,000 na ang resulta ay makukuha sa loob ng tatlong araw, maghintay ka muna sa resulta bago ka asikasuhin at bigyan ng paunang lunas, o kaya ay magbayad ng P10,500 para makuha sa loob ng 24 oras ang resulta.

Malinaw na pera- pera lang ang orientasyon ng mga gahaman na mga hospital na ito at mabuti na lamang na-admit ako sa government hospital paglabas ko sa mukhang perang pribadong hospital na pinanggalingan ko at ngayon ko napatunayan na mas maganda pa ring magpagamot sa mga hospital na pinapatakbo ng gobyerno. Magagaling ang mga duktor, walang hinihinging deposito at higit sa lahat, zero billing kapag na-discharge ang pasyente.