WebClick Tracer

METRO

Kelot 2 beses nasagasaan sa highway

Patay ang isang lalaki matapos na dalawang beses masagasaan sa Maharlika Highway sa San Pablo City, Laguna noong Miyerkoles nang madaling-araw.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Rey Concon na nagtamo ng grabeng pinsala mula sa dalawang ulit na pagkaipit sa kanya.

Batay sa report ng San Pablo City Police, tumatawid ang biktima sa highway ng una itong mabundol ng kulay asul na Ford Everest sa bahagi ng Brgy. San Francisco Calihan.

Tinigilan naman ito ng nakabundol na sasakyan at saglit na bumaba ang drayber subalit kaagad din itong sumakay at pinatakbo na ang sport utility vehicle patungo sa direksyon ng Tiaong, Quezon.

Habang nakahandusay ang biktima sa gitna ng kalsada, nasagasaan naman ito ng isa pang kotse na minamaneho naman ni Joseph Magracia.

Ayon kay Magracia, hindi niya nakita ang nakahigang biktima dahil madilim ang bahagi ng highway at nasilaw din siya sa ilaw ng mga kasalubong na sasakyan.

Kusang loob itong sumuko sa pulisya samantalang inaalam naman ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng unang nakasagasang drayber.

Sinampahan na rin si Magracia ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa San Pablo City Prosecutor’s Office. (Ronilo Dados)