WebClick Tracer

NEWS

Mga bus, jeep, taxi driver susyurin sa drug test

Paiigtingin pa ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang inspeksyon sa mga public transport terminal at magsasagawa ng random drug test sa mga drayber bilang bahagi ng mandato ng ahensiya na tiyakin ang kaligtasan ng mga pagbiyahe sa bansa.

Sa Facebook post nitong Huwebes, sinabi ng LTO na gagawin nila ito batay na rin sa Republic Act No. 10856 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Target ng LTO na huwag nang makapagbiyahe ang mga drayber na nasa impluwensiya ng alcohol o ilegal na droga. Kapag nagpositibo sa drug test ay kukumpiskahin ang lisensiya at obligadong sumailalim sa drug rehabilitation.

Nabatid na mula Enero hanggang Agosto ngayong taon lamang, nasa 558 na aksidente sa kalsada ang naitala ng Law Enforcement Service–Anti-Drunk and Drugged Driving Enforcement Unit (LES-ADDDEU) ng LTO.

Nasa 476 drayber umano ang nagpositibo sa alak na nagresulta sa pagkamatay ng 17 indibiduwal habang 281 ang sugatan.

Inalarma na umano ng ahensiya ang lisensiya ng mga drayber na sangkot sa mga aksidente at inilagay sa 90 araw na preventive suspension habang hinihintay ang resolusyon ng LTO para sa ipapataw na kaparusahan o multa laban sa mga pasaway na tsuper. (Dolly Cabreza)