WebClick Tracer

NEWS

Mga `kabo’ ginogoyo sa STL – Tulfo

Binatikos ni Senador Raffy Tulfo ang mga Small Town Lottery (STL) operator dahil sa hindi pagbibigay ng tamang benepisyo sa mga `kabo’.

Sa mga ulat na natanggap umano ng senador, hindi nakakakuha ng government-mandated work benefits tulad ng Social Security System, PhilHealth, at Pag-IBIG ang mga `kabo’ ng STL.

“I talked to several kabos from different provinces, at wala daw po silang natatanggap na benepisyo. Masakit po sa kalooban ko, bilang pro-manggagawa, na ipinagkakait po ng STL operators, who are making billions of pesos every month, ang benepisyo na para sana sa kanila,” sabi ni Tulfo.

Sa pagdinig ng Senate committee on games and amusement kahapon, nabigo si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chair Junie Cua na mapakita ang proof of remittances na nagpapatunay na ang mga operator ng STL ay nagbabayad sa SSS, PhilHealth, at Pag-ibig ng mga `kabo’.

Bukod sa isyu sa mga benepisyo, nabanggit din ni Tulfo ang hindi makatarungang bidding process ng STL kung saan ay puwede uli sumali sa isa pang round ng bidding ang isang bidder na natalo na.

Dagdag pa niya, inaabuso ng ibang opisyal ng PCSO ang ganitong sistema kung saan nakakatanggap ng goodwill money at regular na under-the-table pay sila mula sa nasabing gambling lord.

“Dapat, `pag nanalo na, nanalo na. ‘Pag natalo na, natalo na. Ganon po talaga ang essence of bidding. Kapag natalo ka na, better luck next time,” ani Tulfo.

Nanindigan si Tulfo na dapat pangalagaan ng PCSO ang kanilang kinikita upang matiyak na ang gobyerno at ang mga mamamayang Pilipino ang makikinabang dito at hindi ang mga gambling lord lamang. (Dindo Matining)