WebClick Tracer

NEWS

Nainitang pasahero, lumagapak sa binuksang bintana

Sugatan ang isang pasahero matapos buksan ang bintana ng tumatakbong bus at aksidente itong malaglag sa Barangay Poblacion 1, Agdangan, Quezon nitong Huwebes ng umaga.

Nagtamo ng mga pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Noel Nacion, 39, construction worker, taga-Bacoor, Cavite.

Sa report ng Agdangan police, alas-10:00 ng umaga, sakay ang biktima sa ordinary bus na biyaheng bayan ng Catanuan nang binuksan nito ang bintana dahil sa siya ay naiinitan.

Subalit nawalan umano ito ng panimbang at aksidenteng lumusot palabas ng bintana. Katabi umano nito

sa upuan ang kanyang nanay pero di na nito napigilan sa pagkakahulog ang anak.

Agad namang inihinto ng bus driver na si Elias Tumacas ang sasakyan at sinaklolohan ang biktima.

Isinugod ito ng mga tauhan ng Agdangan MDRRMO sa ospital at nilalapatan ngayon ng lunas.

Ayon kay PLT Ferlito Mangubat, hepe ng Agdangan police, hindi na magsasampa ng kaso ang biktima matapos magkasundo at mangako ang may-ari ng kumpanya ng bus na sasagutin nito ang kanyang gastusin sa ospital. (Ronilo Dagos)