WebClick Tracer

NEWS

Pekeng dentista timbog sa NBI

Isang babae na nagpapanggap na dentista ang nasakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa entrapment operation sa Lucena City.

Kinilala ng NBI Lucena District Office ang suspek na si Blanca Perjes Capisonda-Lobusta.

Wala umanong dental clinic ang suspek pero nagho-home service sa mga gustong magpabunot ng ngipin. Nabatid na gumagawa rin ng pustiso ang suspek.

Isang asset ng NBI ang kumontak sa suspek at nagpanggap na pasyente. Inaresto ang suspek nang isasagawa na sana nito ang pagbunot sa ngipin ng pasyenteng asset ng ahensiya.

Nakumpiska sa suspek ang mga gamit tulad ng mouth mirror, dental aspirating syringe, topical anesthetic agent, licodine carpule, dental forcep, cowhorn dental forcep, surgical hand instrument, short needles, at local anesthetic agent.

Bineripika rin sa Professional Regulation Commission (PRC) ang ID ng suspek at nalaman na hindi ito kasama sa mga rehistradong dentista sa Pilipinas.

Lumabas din sa pagsisiyasat ng NBI na dati na ring naaresto ang suspek ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Marso 16, 2021 aa katulad na kaso at nakalaya ito sa pamamagitan ng probation.

Sinampahan ang suspek ng paglabag sa Republic Act No. 9484 o The Philippine Dental Act of 2007 sa Lucena Prosecutor’s Office.(Juliet de Loza-Cudia)